
Ang gobyerno ni PNoy ay maihahalintulad sa isang malaking “dike” mga kabalat ko. Dike na nagsisilbing harang upang bigyan ng proteksiyon ang mga ordinaryo at mahihirap na mamamayang Pilipino laban sa posibleng paghihirap na kanilang daranasin at malaki ang magiging epekto sa kanilang buhay at pamumuhay.
Noong first quarter pa lang ng year 2011 ay nabutas na po ang dikeng ito na nagsilbing “pahirap” sa taong bayan. Sa butas na ito malayang nakadaloy ang sunod-sunod na peste na kanila ngayong pinapasan. Peste na tinatawag nating “price hike” o “price increase” na sumalanta sa kanila. Sa unang quarter na ito naganap ang “fare hike” (taxi, jeep, bus, tricycle, etc.) “toll hike” (North & South expressway), electricity (which makes our power rate the most expensive electricity in Asian region including that of Japan) water, and oil price hike. Ang mga ito po ang dahilan kaya nagsunuran na rin ang mga pangunahing bilihin sa merkado. Ano po ang ginawang aksiyon ng gobyerno ni PNoy para maibsan kahit konti ang pasanin ng taong bayan dahil nga po sa nabutas na dike at tagasan ng mga pesteng tinutukoy ko? Wala po. Sa taong ito ko rin narinig ang “hands off” policy ni PNoy na labis kong ikinalungkot at dapat nating ipagdalamhati.
Naalala ko tuloy ang kabayanihan ng isang batang taga Holland na ang pangalan ay Hendrik, mga kabalat ko. He is just a ten years old boy na naninirahan sa isang bayan na mas mababa ang lupain kaysa sa dagat. Dahil dito, ang kanilang bayan ay napapaligiran ng mahahabang dike na nagsisilbing proteksiyon nila sa posibilidad na pagbaha o paglubog. Alam ni Hendrik ang kahalagahan ng mga dikeng ito ganoon din ang maaaring ibunga nito sakaling magkabutas at gumuho sa kanyang mga kababayan. Isang araw, naparaan si Hendrik sa kahabaan ng pader ng dike. Nakarinig siya ng ingay ng tumatagas na tubig. Labis siyang nag-alala at kinabahan. Nailalarawan niya sa kanyang murang isipan ang posibleng mangyari kung saka-sakali. Hinanap ni Hendrik ang butas na pinagmumulan ng tagas. Matagal bago niya ito matunton. Mga ilang talampakan mula sa lupa, nakapa ni Hendrik ang isang maliit na butas na tinatagasan ng tubig. “Maliit lang ang butas at maaaring mapigil ito sa pamamagitan ng aking daliri” naisaloob niya. Ang maliit na daliri ni Hendrik ang kanyang isinuot sa butas upang nagsilbing bara dito na pangharang. Lumipas ang mga oras at sandali na nasa ganoong kalagayan si Hendrik. Ayaw niyang iwanan at hayaang lumaki pa ang butas ng dike. Nag-alala ang mga magulang at kaanak ni Hendrik dahil hindi ito umuuwi kahit gabi na. Si Hendrik naman ay nanghihina na rin sa kanyang kinatatayuan pero tiniis niya ito. Bago siya takasan ng ulirat, natagpuan na siya ng mga naghahanap sa kanya. Dito natuklasan ang ginawang sakripisyo at kabayanihan Hendrik. Agad gumawa ng paraan ang mga tao para matapalan ang butas na tinatagasan ng tubig.
Maaaring itanong ninyo mga kabalat kung ano ang kaugnayan ng kuwento kong ito sa nangyayari sa ating gobyerno ngayon. Sa huling quarter ng taong ito (2011), muli na naman pong nagbabanta ang pagtaas kaliwa’t kanan ng mga bayarin sa serbisyo mga kabalat ko. Pumayag na ang Supreme Court na sumingil ng VAT sa ating mga Toll. Binasbasan na rin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang karagdagang singil sa kuryente ng MERALCO. Maniningil na rin daw ng mga karagdagang service fees sa mga serbisyong ipinagkakaloob ang mga tanggapan sa ating gobyerno. Tataas din daw ang pasahe sa MRT at LRT. Kinukuwestiyon na rin ng ibang mambabatas ang over price daw na sinisingil ng MWSS, Maynilad at Manila Water sa mga water consumer. Lingo-Lingo ay magpapatupad rin daw ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis at tiyak na magsusunuran na naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado. Ang “butas” po na nalikha noong first quarter ng 2011 na hindi ginawan ng paraan ng gobyerno ni PNoy para pahupain dahil sa kanyang “hands off” policy ay nakatakda na naman pong lumaki. May posibilidad din na ito na ang magpaguho sa dike at lumunod sa taong bayan.
Noong panahon ni ERAP, sa kabila ng “mahina” nitong pamumuno at pagiging “corrupt”, naobserbahan ko na gumagawa siya ng paraan para pahupain ang pagtaas ng presyo ng langis sa pakikipag-usap sa tatlong giant oil producer. Sa panahon ni GMA, sa kabila ng “panunulisan” sa pamahalaan at “pandaraya”, naobserbahan ko na pilit nitong pinipigil ang pagtaas ng pasahe sa transportasyon. Suma total, meron pa ring “katiting” na concern ang mga naging presidente na ito sa epekto ng mga increase na ito sa taong bayan. Pero sa panahon ni PNoy, hindi ko po nakikita ang malasakit na ito at ang pangamba ng sunod sunod na increase at hike na ito sa pamumuhay ng taong bayan. Ito ba ang sinasabi ni PNoy na hindi magiging “manhid” ang kanyang gobyerno? O, ito lang ang sinulat ng kanyang mahusay na “speech writer” para paikutin at bilugin ang ulo ng taong bayan?
May katuwiran ang kanyang tinalong presidential bet na si Sen. Manny Villar sa pagsasabi nitong, bakit magtataas ng service fees, at kukulekta ng additional taxes ang gobyerno gayong may malaking pondo pa raw ang pamahalaan na hindi naman nagagamit at naka-tengga lamang. Kung totoo ito, nagkaroon tayo ng presidenteng “walang alam” o kapos sa management skill para pamahalaan ang gobyerno. Isang presidenteng, hindi nga corrupt at “matipid” pero hindi naman alam gamitin ang pondo at iba pang resourses para maisulong ang mga proyektong magbibigay ng trabaho sa milyon milyong jobless na Pilipino. Isang presidenteng manhid sa epekto ng sunod-sunod na price increase na bumutas sa dike niyang pamahalaan at nagpapahirap sa taong bayan. Isang presidente na mas matanda kaysa kay Hendrik pero wala akong nasasalaming kabayanihan para pagmalasakitan ang mga naghihirap niyang constituent. Ang kailangan ng ating bansa ay iyong tao na may mentalidad at nagtataglay ng bayaning puso na tulad ni Hendrik, the boy who kept his finger in the dike. Isang presidente na gagawa ng paraan para tapalan o tagpian, ang butas sa kanyang gobyerno, sukdulang magsakripisyo siya para proteksiyunan ang interest ng taong bayan.
Unfortunately, wala tayong katulad ni Hendrik. Ang meron tayo ngayon sa Pilipinas ay ang mga taong “mas nagpapalaki sa butas” para lunurin ang taong bayan. Sila na nasa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan na nagsisilbing kakutsaba pa ng mga negosyante at malalaking kumpanya na patuloy na bumibigti sa sumisinghap-singhap na at nalulunod na mamamayan.







