Wednesday, October 30, 2013

Defensive Posture ni PNoy




Medyo nagulat ako sa biglaang paglabas ni Presidente  PNoy Aquino sa telebisyon kahapon ng gabi explaining to the Pilipino people the issue regarding PDAF. Ipinagtanggol po niya ang kabutihan daw na nagagawa nito kung saan may kaakibat pa itong powerpoint presentation. Kaakibat po nito ay pinatutsadaan niya ang mga nasasangkot na politico sa pandarambong sa salapi ng bayan na siya raw pong dahilan at nasa likod ng mga tumutuligsa sa kanyang administrasyon. Na siya pa raw po ang tinaguriang “Pork Barrel King” gayong hindi naman siya ang nagnakaw  o magnanakaw sa kaban ng bayan.  Binanggit din niya ang “payo” ng isang matandang politiko, sa kanyang mga kasamang batang politiko na kung hindi raw nila kayang ipaliwanag ang ginawa nilang pandarambong, palabuin na lang nila ang lahat, kung hindi raw nila kayang paguwapuhin, papangitin na lang nila ang lahat at kung hindi nila mpabango, pabahuin na lang nila lahat.  Ang paglantad ni PNoy Aquino ay isang palatandaan na siya po mga kabalat ko ay “naalarma” sa biglang pagbagsak ng kanyang popularidad at trust rating ayon sa mga ginanap na survey kamakailan. Iniisip po niya na dahil sa DAP, ang Palasyo ngayon ang binubuweltahan ng tao. 


Alam po ninyo mga kabalat ko, nang pumutok na parang bulkan ang PDAF Scam, na kinasasangkutan ng mga Senador at Kongresista, nagulantang ang buong bayan na ang mga “honorables” po palang ito na ibinoto nila ang siya pang tulisan at mandarambong sa ating pamahalaan.  Nagalit po sila ng sobra-sobra kaya untimely ang pagkakalikha ng DAP na ang awtor ay taga-Malakanyang mismo. Aba, e lilikha lang sila  ng pangalan para idepensa ang ibinigay nilang  “suhol” daw sa mga senador na bumoto ng pabor sa pagpapatalsik kay Renato Corona, inalis lang nila  yung F sa PDAF kaya ano ang resulta? Naging junior PDAF ang kanilang DAP. Ano ang tunog nito sa pandinig ng taong bayan?  Hindi po ba’t PANGIT ding pakinggan. Kung dadagdagan ninyo ng letra ang DAP, lilitaw pa nga itong HOLDAP. Dito lumilitaw na “bopol” ang nag-imbento nito at hindi niya napansin na katunog ng acronym na PDAF and DAP. Na gets ninyo? Ang hamon ko, kung nais ni PNoy manatili ang kanyang pork Barrel, ipasa na muna ang “Freedom of Information Bill”


Hindi man binanggit ni PNoy ang tinutukoy niyang “matandang politiko” natitiyak ko pong si Senator Enrile and adviser na iyon ng mga batang pulitiko na sangkot sa kaso ng pandarambong mga kabalat ko. May sense ang sinabi ni PNoy sa kanyang defensive statement kagabi.  Totoo na ganito ang magiging taktika ng mga sangkot sa PDAF Scam. Idamay si PNoy sa kanilang “baho”. Kapag nangyari kasi ito, sa susunod na Presidential election, puwede pang pumustura ang mga mababahong pulitiko dahil ang katuwiran nila, “pare-pareho naman tayong mababaho” so,  tayong mga botante, wala ng pamimilian sa kanila.  Mababaho ang haharap sa atin para humingi ng boto.


Kung naging sensitive si PNoy sa pagbaba ng kanyang trust rating,  dahilan para idepensa niya ang DAP at banatan ang mga kalabang naninira raw sa kanyang administrasyon, sana naman ay maging sensitive din siya sa ginagawa ng mga tao sa loob ng kanyang bakuran. Katulad na lang ng lagi kong tinutuligsa na Department of Agriculture at sa Sekretaryo nitong ubod po ng sinungaling. Ngayon po ay may pumutok na namang balita na overpricing daw po at sobra sobra ang inangkat na bigas ng National Food Authority (NFA) na nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Agriculture. Aba, e ito ang dapat tutukan ni PNoy dahil sa totoo lang, sila ang tunay na nagpapabaho sa kanya. Ang pinaglalaruan po ng mga taong ito ay ang “bigas” o “butil ng buhay” na pinakamalapit sa sikmura ng taong bayan.  Pagkain ng mamamayan. Alam po naman ninyo ang epekto nito kapag nagalit na ang tao. Anarchy.  Higit pa ang impact kaysa sa PDAF dahil buhay at kamatayan ng mga pobreng mamamayan ang nakasalalay dito. E, itong si Proseso Alcala, napaka-inutil. Hindi po mapababa ang presyo ng bigas sa pag-alagwa nito. Kung ano-ano ang idinadahilan, at ngayon nga po, ang naganap na bagyo na naman sa Nueva Ecija ang kanyang rason.  Ang isa pa sa ipinagpuputok ng butse ng tao, pababa na raw ang presyo, gayong ako, ikaw, kayo na namamalengke ay nakikita na hindi naman po ito ang totoong nangyayari, sa halip, kabaligtaran ng kanyang sinasabi. Ala e, kapag nakasalubong ko itong si Proseso Alcala, e, baka “makurot ko sa singit” mga kabalat ko. Isa lang po siya sa bagaheng “pabigat” sa administrasyon ni PNoy mga kabalat ko at tapos na po ang naging panalangin ko sa kanya.




Manalangin po tayo


Panginoon po naming Diyos, muli kaming humaharap sa iyo.  Batid mo po ang nagaganap na kalamidad sa aming bansa. Alam po naming mga pagsubok itong kaloob mo, upang sa aming muling pagtindig ay maging mas matibay at matatag  kami sa mga hamon pang darating sa aming buhay.  Hindi lamang po kalamidad na likha ng panahon ang bumabayo sa amin panginoon sa kasalukuyan. Meron din pong kalamidad na likha ng tao. Mga taong pinagsamantalahan ang salapi ng bayan sa sarili nilang kapakinabangan. Hindi po kataka-taka na nakalugmok pa rin sa kahirapan ang nakararaming mamamayan dahil dito. Ang para po sa kanila ay kinulimbat lamang ng mga masisibang politico na naging sistema na nila sa kanilang pamamahala. Ngayong nalantad na po ito, itulot mo po na maparusahan ang mga taong nasangkot dito. Huwag mo pong hayaang makatakas at magamit nila ang salaping ninakaw nila para sa kanilang depensa. Itulot mo rin po na malantad pa ang mga “hunyangong” nagtatago sa loob ng Malakanyang na kauring tulisan ng mga pulitikong sangkot. Kapag nililitis na po ang kanilang mga kaso, sana ay gabayan mo ng iyong wisdom ang mga hukom na mapabilis ang proseso ng hustisya at maibaba ang hatol ng naaayon sa iyong kalooban. Huwag mo pong itulot na mabulag sila ng salapi na alam kong kakasangkapanin ni Satanas para idepensa ang kanyang mga kampon na sangkot sa pandarambong. 


At ang panghuli, sana po Panginoonko, maging batas na rin ang “Freedom of Information Bill” upang maging kalasag ng taong bayan sa mga taong nagnanais magsamantala, mahilig magsabwatan, at itago ang katotohanan. Nawa’y  narinig mo ang po aming panalanging ito sa iyo Diyos naming makapangyarihan sa lahat.


Amen


No comments:

Post a Comment