Wednesday, October 16, 2013

Man Made Calamity




Noong panahon ni President Gloria Macapagal Arroyo, isa sa naging katangian  niya sa pamamalakad ng kanyang administrasyon ay ang pagiging “kunsintidor” sa kanyang mga alagad na mandarambong sa kaban ng gobyerno at “manhid” sa sentimiyento ng taong bayan. Ito ay isang uri ng kalamidad na likha o gawa ng tao.  Pinatakbo niya ang pamahalaan na mala-sindikato,  sa gitna ng mga nakararami at naghihikahos na taong bayan. Siya ang nagsisilbing “godmother” ng mga corrupt niyang alipores sa iba’t ibang kagawaran at maging sa hukbong sandatahan.   Ito rin ang dahilan kaya, naglisaw, dumoble o naging triple pa nga  ang mga masisibang buwaya  sa panahon ng kanyang 9  years na termino. Nakapanghihinayang ‘di po ba mga kabalat ko ang panahong naaksaya sa panahon ng kanyang pamumuno.



Sa panahon naman ni President Noynoy Aquino, inakala po nating tapos na ang maliligayang araw ng mga corrupt government officials na ito dahil sa ibinabandong “tuwid daw na daan” nitong si PNoy, pero nagkamali po tayo mga kabalat ko. May katangain din po pala si PNoy na namana niya kay Aling Gloria, at ito ay ang pagiging kunsintidor at manhid sa sentimiyento ng taong bayan.  Pansinin po ninyo ang kabi-kabilang pag-salag ni PNoy  sa  mga alaga niya’t  alipores na nasa ilalim ng kanyang tanggapan. Nagsimula po ito kay Usec. Puno ng DILG noong kauupo pa lang niya sa Palasyo, at nasangkot noon sa huweteng payola. Kanya pa pong ipinagtanggol ito at 'di sinibak sa puwesto. Marami pa pong kinanlong itong si PNoy na kanyang KAIBIGAN, KAKLASE  at KABARILAN, kung saan sa tuwing mapupukol ng batikos sa ginagawang kamalian, si PNoy ang nagsisilbi nilang KALASAG. 

Ngayon, sa kabila ng galit na ipinaramdam ng mga tao sa pinagpiyestahang PDAF, panay rin po ang kanyang depensa, lalo na nang malantad ang junior PDAF , na kanilang bininyagang   “DAP”.  Todo suporta siya sa kanyang budget secretary na si Butch Abad na sinasabing awtor nitong DAP, nang ibuking ni Senator Jinggoy Estrada, na  “suhol”  daw po i to sa mga senador na bumoto  sa pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona. Ang tanging konsolasyon marahil ng iba ay sa  pamamahala raw ni PNoy, at sa loob ng termino  nabulgar ang mga “scam” at “mandarambong” sa ating mataas at mababang kapulungan. 

Pero, mas naniniwala po ako mga kabalat ko na may God’s intervention o basbas ng Diyos ang nangyari.  Kagustuhan na NIYA  marahil na mabuking ang isang nakagugulat at nakagigimbal na katotohanan, na tao mismo ang gumagawa ng kalamidad sa pagpapatakbo ng ating bansa.  Kinasangkapan NIYA sina Janet Napoles at Ben Hur Luy para mag-away, na naging dahilan para malatad at maglabasan ang iba pang whistle blower para ibuking ang sindikatong involved mismo ang mga   buwayang mambabatas sa ating mataas at mababang kapulungan, kasabwat ang mga kapwa  nila masibang  opisyal naman ng mga implementing agency ng ating gobyerno. 

Kung hindi sa intervention na ginawa ng Diyos, tiyak na magpapatuloy pa rin ang mga buwaya  sa kongreso dahil sa kabila ng mga sabwatang naganap, at galit ng mga tao sa PDAF, ang kakapal pa rin ng mukha ng iba diyan na humihirit pa rin ng kanilang mga pork barrel, dahil kesyo, kawawa daw ang kanilang mga scholar, etc, etc na palusot lamang nila para patuloy na mangomisyon. Sila po ay mambabatas, meaning “gumagawa ng batas”, at hindi “taga-butas” ng PADF.  Ang mga tao naman sa palasyo ng Malakanyang ay suportado pa rin  ito dahil sila mismo ang nagtatanggol na i-lift na ng Korte Suprema ang pagpapatigil sa PDAF.  Sa oral argument nga na ginanap sa Supreme Court  with the Solicitor General,  representing the government, tinalampak po siya ni Justice Carpio, na bakit sinasabi ni PNoy na wala na raw PDAF and yet, nanggagalaiti ang palasyo na idepensa ang pagli-lift ng PDAF.

Dito po natin makikita mga kabalat ko na gumagawa ng “double talk” si PNoy sa harap ng taong bayan. Tila po ginagago niya tayo at pinalilitaw na bobo at hindi nag-iisip. Hindi kataka-takang bumagsak ang rate satisfaction niya dahil dito. Iyon pong tuwid niyang daan ay “mirage” po lamang pala at sila lang ng kanyang mga alipores sa Malakanyang na nagpapatakbo at humuhila ng kariton ang nakakakita.

“Diretso lang ang takbo” ang sigaw po nating mga nakasakay sa kariton ni PNoy, pero si Presidente Benigno Simeon Aquino, kasama ang mga  kutsero niya sa  Palasyo ay iba po ang tinutungo. Pilit po nilang inililiko patungo sa “daang baluktot”  kung saan naroon ang “pinagtampisawan ng mga baboy” ang “Kalye PDAF” at “DAP”.  Ito ba ang Presidente natin na nagsasabing “kayo ang Boss ko?” Tayong mga mamamayang pasahero niya ang kanyang niloloko?

Walang duda, na lalo pang bababa ang rating ni PNoy kapag ipinagpatuloy niya ang ganitong gawi ng pamamahala. “Manhid” sa boses ng bayan na gaya ni GMA.  Ano po ba ang nangyari sa dating Godmother ng pamahalaang sindikato? Hindi po ba at lumubog  ang kanyang administrasyon sa pinakamalalim na antas ang pagkadismaya. Saan po tumaas ang rating ng Pilipinas noon? Hindi po ba, isa sa pinaka-corrupt na bansa sa buong mundo.
Nang mawala si GMA sa puwesto, medyo gumanda ang pananaw sa atin ng mundo, kaya ayaw po san nating mangyari ang pagbulusok na ito ni PNoy.  Pero, kung mananatili siyang kunsintidor at mandhid, sa sentimyento ng taong bayan, hindi po malayong mangyari na bago siya manaog sa puwesto, negative something na ang kanyang ipinagmamalaking popularidad at satisfaction rating, dahilan para muli tayong mabalik sa one of the corrupt country in the world. 

Huwag naman po sana. 



Manalangin po tayo

Panginoon po naming Diyos, marami na pong pinagdaanang delubyo at trahedya ang aming minamahal na bansang Pilipinas. Mula sa mga kalamidad na gawa ng kalikasan, katulad ng bagyo, baha, at lindol hanggang sa mga delubyong gawa ng tao gaya ng digmaan at pandarambong sa kaban ng bayan. Sana po, kaawaan mo na ang aming bansa. Iahon mo na po sana ito sa labis na pagdurusa at paghihirap. Mula po ng sabihin ng dating Manuel L Quezon na mas mamabutihin pa niyang ang Pilipinas ay pamunuan na “mala-impiyerno” ng mga Pilipino, kaysa ng “mala-paraisong” pamamahala ng mga dayuhan, tila ganito nga po ang nangyayari, mula noon hanggang ngayon. Naging  mailap  sa amin ang isang tapat na lider na gagabay sana sa Pilipinas patungo sa inaasam naming pag-unlad at kasaganaan.
 
Sana, ipasumpong mo na po sa amin ang tunay na lider na walang kinikilingan, walang pinapaboran at serbisyong totoo lamang (hindi po si Mike Enriquez ang tinutukoy ko dito) ang maging layunin sa pamumuno.  Iyon pong kapag sinabing “tuwid na daan”, siguradong tuwid nga po ang aming matatanaw (hindi iyong sila lang na nasa Malakanyang ang nakakakita) Iyon pong lider na hindi kunsitidor (sa kanyang mga Kaibigan, Ka-klase, at kabarilan) at hindi rin manhid sa sentimyento ng taong bayan (hindi po yung ayaw na nga ng mga mamamayan sa PDAF iginigiit  pa rin ng nasa Palasyo)



Sana ay mabilis mo rin pong ibangon sa pagkakalugmok ang mga taong bayan na nadamay sa digmaan sa Zaboanga na isang man made calamity,  at ang mga nasalanta ng lindol sa Cebu, Bohol at iba pang nadamay sa Kabisayaan. Maging kaaliwan po nila ang patuloy mong pagmamahal at pagmamalasakit. Alam po namin na maraming pagsubok pa kaming pagdaraanan, ganoon man,  nakalaan po kaming magsakripisyo. May kasabihan nga pong  no pain, no gain”. Sana, naman sa napakarami ng "pain"  na idinulot sa amin ng mga kalamidad ng kalikasan at kalamidad na gawa ng tao, ipa-ani mo na po sana  ang mga biyayang ipagkakaloob mo. Pag-asang matagal na naming inaasam sa gitna ng dilim na nakalambong sa aming mahal na bayan. Isang bagong umaga, para sa bansang Pilipinas.  




AMEN


No comments:

Post a Comment