Thursday, November 28, 2013

Battle of the Brainless



Nang sabihin ni Senator Juan Ponce Enrile na sasagutin daw po niya sa kanyang privilege speech  ang mga paratang sa kanya tungkol sa pork barrel scam, isa po ako sa natuwa mga kabalat ko. At last, babasagin na rin po niya ang kanyang katahimikan upang tayo ay  maliwanagan tungkol sa kanyang panig na hindi natin nakuha sa privilege speech na ginawa ni Senator Jinggoy Estrada. Pero, ano po ang nangyari? Nabigo po tayo mga kabalat ko. Hindi ko ini-expect na ang sasabihin lang po pala niya ay ang kanyang mga “litanya” laban sa akusasyon sa kanya ni Senator Miriam Defensor Santiago noong senate hearing at paharapin si Janet Napoles.  Wala po akong narinig ni katiting na pagdepensa niya tungkol sa major issue. Ang pork barrel  scam na kinasasangkutan niya.  Kung baga sa isang magiting na mandirigma bilang “legal expert”, hindi po ang dragon ang kanyang inulos dito, kung hindi ang “parrot” na nagsasalita. 


Ang pinabulaanan niya ay ang akusasyon ni Miriam Defensor Santiago. Na hindi raw siya ang “mastermind” na nasa likod ng pork barrel queen na si Janet Napoles. Na “pangkamot ng likod” at hindi baril na mahaba ang kanyang dala. Na kung siya raw ay may asim pa, hindi naman  siya naaasiman kay Miriam Santiago. Habang nagsasalita si “tanda”, naipo-focus naman ang camera kay “pogi” at “sexy” na pangiti-ngiti lang sa kanilang kinauupuan at  tila baga hangang-hanga sila sa pinagsasasabi (depensa?) ng gurang nilang kaalyado.


Kung noon ay medyo may katiting pa akong paghanga na natitira sa “talino” ni tanda, bigla po itong naglaho mga kabalat ko. Nagmistula siyang “bopol” at bumaba sa kategorya ng dalawa niyang magiging kakosa to be sa bilangguan in the near future.  Pati po ang nakuhang grado ni Senator Miriam Santiago sa Bar exam na 76 %, ganoon din sa 50 plus nitong marka sa Legal Ethics subject noong nag-aaral pa ng abugasya ay hinalukay niya at parang bombang isinambulat ni Enrile sa bulwagan ng senado, which in my opinion was immaterial and irrelevant to the main issue at hand. Wala po itong kinalaman sa plunder case na isinampa kay Enrile at hindi nito magagawang “linisin” ang kanyang pangalan.  


Sa isasagot po ni Senator Miram Defensor Santiago next week sa mga naging litanya ni Senator Juan Ponce Enrile laban sa kanya, ini-expect ko po na mas magiging maanghang ang bibitiwan nitong salita. Trade mark na po niya ito at malamang na samahan pa niya ito ng mga pick up words. Dayalogong pang “showbiz” ang dating at ang mga taong mahilig dito na makakarinig ang  tiyak na mae-excite.  It is battle between the alleged “Godfather” of the pork barrel scam versus, the “Talking Parrot”.  And  what we are supposed to learn from the “word war” of these two legal luminaries in the senate arena? NOTHING.  Magiging kahalintulad ito ng komedyang “Battle of the Brainless”





Manalangin po tayo


Panginoon po naming Diyos, IKAW po ang saksi at nakaaalam ng lahat. Wala pong lihim na nalilingid sa iyong kaalaman.  Ang katotohanan po ang  inaasam naming mga mamamayan na makita at malantad. Sa mga nangyayaring sigalot at tunggaliang ito sa isa sa pinaka-mataas na sangay ng aming gobyerno, ang lehislatura, nagiging circus na po  ito sa aming paningin. Tila naglaho na rin po ang dati nitong ningning at dangal. Kung noon po, ito ay nakaluklok dito ang mga personalidad na nakilala sa kanilang katalinuhan integridad at pagmamahal sa bayan, ngayon po,  ay nahaluan na sila ng mga “clown”  na ginagawang katawa-tawa ang bulwagan ng Senado.  Meron na rin po ditong mga “magician” na ang salapi na mula sa kaban ng bayan (PDAF) ang “sinasalamangka” para maglaho at mapunta sa kanilang mga bulsa. Mga mahikerong senador na matapos i-endorsed sa bogus NGO ang milyong-milyong pondo na nasa kanyang pag-iingat, ikinakatuwiran pa po niya sa amin na hindi raw po niya kasalanan na ito ay napunta sa bogus NGO. Na hindi raw po niya trabahong alamin kung bogus o hindi ay kinahantungan ng milyon-milyon salapi. Ano po ang naging malaking pagkukulang  namin Panginoon at nagkaroon kami ng ganitong klaseng senador? Senador pong siya na yata ang “pinakatangang tao” na nakita  ko sa buong mundo. Ang kaso po, sa kanyang pagtatanga-tangahan kuno, idinadamay pa  po niya kaming mga mamamayan na gumagamit ng "kaloob mong pang-unawa" at ginagawa niyang tanga sa kanyang mga alibi. Sa ganito pong sitwasyon, wala na po kaming magagawa kung hindi maghintay na masampahan na lamang sila  ng kaso sa Sandiganbayan, at maisyuhan ng warrant of arrest. Sa ganitong pamamaraan, makikita naming makukulong sila para pagbayaran ang ginawa nilang katampalasanan sa kaban ng aming bayan.


Hinihiling po namin sa iyo Panginoon naming Diyos na nawa, sa mga susunod na panahon, muli mo pong itulot na mabalik ang dating ningning at dangal ng lehislatura. Muli po sana itong maluklukan ng mga taong karapat-dapat maglingkod sa taong bayan. Iyon pong hindi ang kapakinabangang pansarili at salapi ng bayan ang pangunahing interes nila kung hindi ang makapag-panukala ng mga batas na kapaki-pakinabang at sa ikasusulong n gaming minamahal na bansa. Hindi pa po tapos ang laban ng bayan sa mga tiwaling ito Panginoon naming Diyos. Sana ay gabayan mo kami. Patuloy mong buksan ang diwa ng bawa’t isa sa amin. Maging mulat sa mga nagiging kaganapan at nangyayari sa aming pamahalaan upang hindi na makapagsamantala pa ang mga buwaya at buwitre na nanunungkulan sa kasalukuyan at sa darating na hinaharap.


Ang lahat po ng ito ay hinihiling namin sa IYO,  sa pangalan ng aming tagapagligtas at Panginoong Hesukristo.



AMEN


No comments:

Post a Comment