Thursday, November 21, 2013

Total Abolition of Pork Barrel



Suhol. Isa itong pakinabang (in cash or in kind) na ipinagkakaloob ng isang tao upang makahingi ng karampatang pabor sa binibigyan  nito. Ang sistemang ito ay nakagisnan na natin mga kabalat ko. Kung kailan at sino man ang nagpa-uso nito, hindi po natin nalalaman. Ang tangi pong nababatid natin sa ngayon, ang suhol po ay nanganak na ng maraming bansag o katawagan. Lagay, tong, padulas, etc, etc. Kung sa pribado nating pamumuhay, nangyayari po ito, mas talamak po sa mga sangay ng ating pamahalaan, at practice na ginagawa ng mga nasa pinaka-mababa hanggang sa may pinaka-mataas na posisyon sa ating gobyerno. Sistemang lumagom sa moral values  ng mga mamamayan Pilipino. Isinabuhay at in-adopt na  tila  baga, ganito  talaga ang  kalakaran sa mundo na ating  ginagalawan.


Kung ganito pala ang nangyayari, bakit pa po tayo nagulat sa nabuking na Pork Barrel scam? Ito ay dahil sa mismong “sentro ng gobyerno”  natumbok ang pinagmulan ng eskandalong ito. Isang organisadong sindikato na ang nasasangkot  mismo ay mga taong,  nasa isa sa pinakamataas na sangay ng ating pamahalaan, ang lehislatura. Dito nga po ay hindi libo o milyon lang ang salaping involved. Bilyon-bilyon pong kuwarta na dinambong sa kaban ng bayan na tila walang kahirap-hirap  na pinagsamantalahan ng ilan nating mga senador at kongresista.  Ngayon nga ay may inihain na sa kanilang kaso ng plunder sa ating Ombusdman.

Sa mga petisyong inihain sa hudikatura na  isa rin sa co-equal branch ng ating gobyerno, na-check po at idineklarang unconstitutional ang PDAF o Pork Barrel na ibinibigay sa mga senador at kongresista.  Ito po ay isang “partial victory” lamang nating mga mamamayan laban sa sistemang nagsasadlak sa ating bayan sa kahirapan. Hindi pa po tapos ang laban mga kabalat ko. Kung baga sa ugat, isang bahagi pa lang po nito ang ating napuputol. Marami pa po itong sanga kung saan sa mismong judiciary at executive ay nakalambong pa rin ang mga ito.  Ganoon man, nakapaglulubag pa rin ng loob na medyo natuldukan na ang masasayang araw ng mga mandarambong sa kongreso at senado. Ang mga tiwaling mambabatas na malaki ang ginastos noong nakaraang eleksiyon at ngayon ay nakaupo pa rin, ay tiyak na aasa na lamang sa kanilang suweldo at hindi na makababawi sa kanilang ipinuhunang milyon-milyon sa pamimili ng boto.


Sa executive, dito naririto ang pinakamalaking source ng “suhol” na maaari pa ring magamit ng ating Presidente. Ang kanyang Presidential pork.  Sa pag-pugot ng ulo ng baboy (Pork Barrel)  na pinagpipiyestahan sa legislative, mas magiging makapangyarihan na ngayon ang Presidente dahil mas malaking baboy ang nasa kanyang kural na maaari pa ring litsunin at ipamudmod sa pamamagitan ng panunuhol.  Nasa kanyang palad na ang mga mambabatas na matatakaw sa pork (kaalyado man o oposisyon) para ipagbili ang kanilang suporta at prinsipyo para maka-amot lang ng “taba ng baboy” at makabawi-bawi, bago sila mag-retire.


Tiyak na kokontra ang palasyo sa sinabi ko dahil ipangangalandakan nilang sila’y naglalakad sa tuwid na daan. Kung tuwid, bakit kailangan pang suhulan “daw’ ni PNoy ang mga senador na bumoto para mapatalsik si Renato Corona? Tuwid bang masasabi ang pagpapa-iral sa isang bulok na sistema ng suhulan? So, wala po tayong katiyakan ngayon mga kabalat ko na gagamitin nga ni PNoy ng wasto ang bilyon bilyon niyang Presidential pork. So ano po ang ating kailangan? Total abolition of pork barrel.


Hindi pa po kasama sa desisyon ng Supreme Court ang DAP na atin din pong aabangan ang magiging resulta. Ito po ay imbento lamang ni Secretary Butch Abad, as a justification of the suhol issue na ibinuking ni Senator Jinggoy Estrada sa kanyang priviledge speech. Alam kong gagawin ng palasyo ang lahat ng kanilang makakaya para ito idepensa, ganoon din ang presidential pork, kaya aasa na lamang tayo sa matatalinong pagpapasya ng mga hurado sa Korte Suprema at siyempre sa ating magiging panalangin.



Manalangin po tayo



Panginoon po naming Diyos, marami pong salamat sa partial victory na ipinagkaloob mo sa taong bayan nang maideklarang unconstitutional ang pork barrel o PDAF ng Korte Suprema. May nakabinbin pa pong petisyon sa kataas-taasang hukuman tungkol naman sa pagiging unconstitutional din ng DAP. Nawa’y pagkalooban mo po  ng sapat na “wisdom” ang mga hurado sa Supreme Court para muling makita  ang “evil” na nakatago dito.  Mahubaran at malantad sa taong bayan na ito ay gawa-gawa lamang ng mga nasa Malakanyang. Kaugnay nito, ipinaninikluhod din po namin Panginoon na maging ang Presidential pork ay tanggalin na rin. Ito po ay nagagamit rin bilang kasangkapan sa isang “bulok na sistema”  na patuloy na pinaiiral ng Malakanyang. Ang panunuhol. Dapat pong masiguro na ang salapi ng bayan  ay nagagamit ayon sa  “mahigpit” na pinaiiral na  alituntunin. The word "discretionary" means the President is unrestricted in using his fund. Isa po itong “mapanlinlang na kataga” na kinakasangkapan ng sinumang nasa puwesto para makapag-samantala. Ganito po ito ginawa ng mga nakaraang administrayon kaya huwag mo po sanang ipahintulot na ganito uli ang gawin ng kasalukuyan at ng mga darating pang maluluklok na lider ng aming bansa.

Ipinanalangin din po namin sa iyo  ang mga taong nasalanta ng super bagyong si Yolanda Panginoon. Nawa'y ibangon mo po sila sa pagkakalugmok na dinaranas ngayon, ganoon din ang kanilang mga bayan nawasak ng bagyo.  Kastiguhin mo rin  po sana ang mga taong namumulitika sa gitna ng kalamidad na naganap at ikaw na ang humadlang sa kanilang mga ambisyong pulitikal sa darating na hinaharap.


Nawa’y narinig at naka-abot na po sa iyo ang aming panalangin Panginoon naming Diyos. Ang lahat ng ito  ay hinihiling po namin,  sa pangalan ng aming tagapagligtas na si Hesukristo.

Amen


No comments:

Post a Comment