Thursday, November 14, 2013

World War Z Look Alike?



Sa patuloy kong pagsubaybay sa mga balita na  nangyayari sa mga lugar na labis na sinalanta ng super typhoon na si Yolanda mga kabalat ko, maraming “human drama” akong nasaksihan na labis na umantig sa aking kalooban. Hindi kataka-taka na maging ang ilang dayuhang nasa Tacloban na nasa ating bansa upang makibahagi sa pagtulong ay maging emosyonal sa kanilang mga nakikita. Dito ay napanood  ko ang makabagbag damdaming paglalayo at pamamaalam ng isang pamilyang maraming anak sa kanilang matanda ng magulang. Ang pagyakap nito sa kayang mga apo. Ang gagawin nilang pakikipagsapalaran sa ibang lugar para maisalba lamang ang buhay ng mga anak sa kinakaharap na gutom at uhaw, at ang walang kasiguruhang pamumuhay sa iiwan nilang matatanda ng magulang. 


Nakita ko rin ang pagpaslang  sa dalawang buhay na pinaparatangan ng may ari ng isang auto shop na di umano’y mga magnanakaw. Ang pagtangis ng asawa ng isa sa nasawi habang naglulumuhod sa mga pulis na siya’y tulungang isalba ang buhay ng kanyang asawang binaril at nakahandusay sa lupa. Ang depensa ng may-ari ng auto shop na siya nga raw ay pinagnanakawan, hindi ng “pagkain” kung hindi ng spare parts ng kanyang mga sasakyan. Na ang kanyang baril na ipinutok ay lisensiyado, at ang banta ng mga taong nasa paligid na kuyugin ang nakapatay na may ari ng auto shop. Narinig ko rin sa isang lalaking na-interview ng isang reporter ng GMA 7, kung paano niya ilalarawan ang naging epekto sa kanilang bayan ng naganap na delubyo. Isa lang po ang kanyang isinagot, inihalintulad niya ito sa pelikulang  "World War Z."


Napanood ko na rin po ang pelikulang tinutukoy ng residenteng iyon na pinagbidahan ni Brad Pitt. Ito ay tungkol sa mga new breed of Zombies, na iba ang katangian kaysa sa mga zombies na kadalasang nakikita natin sa Walking Dead Series. Sila po ay tumatakbo at mabilis na hinahabol ang kanilang mga binibiktima. Mga zombies na higit na mapanganib at sa dami nila ay nagagawa ng akyatin ang kahit na pinaka-mataas na moog at salakayin ang  mga taong  nagkakanlong dito. Zombies na halos madomina na ang mga normal na tao sa buong mundo, unless, makatuklas sila ng “anti-dote” para  makatulong sa kanila at hindi na nito mabiktima.


Although, masasabi kong eksaherado ang pagkakalarawan ng lalaking iyon upang ihambing nito sa naturang pelikula ang nagiging kaganapan sa kanilang lugar, may bahid po naman ng bahagyang katotohanan ang kanyang sinabi. Ang “gutom at uhaw” ang puwedeng dahilan para mawala sa kanyang huwisyo o katinuan ang isipan ng tao. Dito ay papasok na ang “instinct for survival”. By hook or by crook, kakapit na sila sa patalim wika nga, at dito natin nasaksihan ang malawakang nakawan (ng pagkain) sa Tacloban. Yes, of course, hindi lahat ay ganito. Meron ding iba na may “criminal mind” na sinasamantala ang pagkakataon para makapagnakaw naman ng mga bagay na hindi naman nila mailalaman sa kanilang sikmura. With the absence of the police authority, malaya nilang naisagawa ito.

Ang nakalulungkot mga kabalat ko, it took several days bago maka-aksiyon ang ating national government. They knew, that the local government was not functional during that time because local town officials down to the barangay level were crippled, and they themselves were victims of the said super typhoon. Kailangan  pa bang mauna ang mga dayuhan para sumaklolo, habang ang national government natin ay tila “nakanganga”  sa pansitan at tila ina-analize pa ang sitwasyon? Kailangan pang punahin sila ng mga “kapitbahay” nating bansa para magising at gumawa ng mabilis na pagtugon. And what is the antidote para hindi maging Zombie ang mga tao?  FOOD and WATER lang po at hindi na nila kailangang mag-isip ng iba pa. Sobrang bagal ang naging pagtugon nila sa pangunahing pangangailangan na ito ng mga tao.  Kulang sa pag-pa-plano, kulang sa sistema, at kulang sa leadership ang gumagawa ng pagsaklolo.


Well, masyadong maraming katuwiran ang pamahalaan. Depensa doon, depensa dito gayong klaro naman sa kanila ang nagaganap. I am sorry to say, but this proved, that our leader President Benigno Simeon Aquino, doesn’t use his common sense. Para bagang, ang gusto niya ay iba ang mag-isip para sa kanya, na iba ang gumawa nito para sa kanya. Na siya ay kikilos lang o mag-iisip kapag siya ay natutuligsa na ng kaliwa’t kanan. Nasaan ang kanyang leadership by example? Ayoko na sanang balikan at ihalimbawa dito ang Luneta tragedy na hanggang ngayon ay nagsisilbing “multo” sa kanyang administrasyon mga kabalat ko. Simpleng hostage taking lang ito pero nauwi po sa pagkamatay ng ilang dayuhang Hongkong national. Ano po ang dahilan? Sobra niyang minaliit, gayong mga banyaga ang nakataya ang buhay dito.  Hindi niya gaanong pinansin. Dinedma. So, what was the result? Naging katatawanan tayo sa buong mundo at naging international ang issue. Hanggang ngayon although nangyari ito noong kauupo pa lang niya several years ago, binabalikan pa rin siya ng alaala nito and I believed this  shall continue to haunt him for the rest of his life.


With these, I rest my  commentary.



 Manalangin po tayo


Panginoon po naming Diyos na makapangyarihan sa lahat, wala po kaming karapatang magreklamo o sisihin ka sa mga nangyayaring kamalasan at delubyo sa aming bansa. Kami’y mga alagad mo lamang at kokonting bahagi sa napakaraming buhangin sa dalampasigan. Ang inaamot po lamang namin sa IYO ay ang iyong habag  at pagmamahal, upang maibsan ang nadaramang hirap at sakit ng iba naming kababayan ngayon na labis na sinalanta ng kalamidad. Handa po kaming magtiis. Napatunayan na po namin iyan sa gitna ng binabata naming kahirapan sa buhay. Hinihiling rin po namin sa iyo Panginoon, na gabayan mo ang lider ng aming bansa. Wala po kaming ibang lider na masasandalan kung hindi siya.  Sa panahon po ng ganitong kalamidad, patnubayan mo po siya sa kanyang pagdedesisyon. Pagkalooban mo po siya ng “wisdom” na magagamit niya upang mapamunuan kami ng mas mahusay. Maging “leksiyon” po nawa sa kanya ang mga trahedyang sunod-sunod na nangyayari sa aming bansa at sa panahon ng kanyang administrayon. Mula po dito ay humugot po sana siya ng “talino” upang sa mga susunod pang hamon sa kanyang panunungkulan, magampanan na niya ito ng mas mabilis at epektibo.


Ito po ay hinihiling namin sa iyo o, dakilang Diyos na makapangyarihan sa lahat, sa pangalan ni Hesukristo na inilagay mong tagapamagitan at aming tagapagligtas.



Amen

No comments:

Post a Comment