Tuesday, November 12, 2013

Super Slow na Pagsaklolo sa Sinalanta ng Super Bagyo





Labis po akong  nanlumo at inaamin kong naging emosyonal  sa mga nakita kong kaganapan sa mga sinalanta ng super typhoon na si Yolanda mga kabalat ko. Ni sa hinagap ay hindi ko ini-expect na ganito ka-terible ang daranasin ng ating mga kababayan sa dakong iyon ng kabisayaan, particularly sa Leyte at Samar na unang na-direct hit ng pinakamalakas na bagyo na nangyari sa buong mundo. Ang isa pa sa kalunos-lunos dito ay ang nangyayari sa mga buhay (survivor) na bukod sa nawalan na ng tahanan at  namatayan ng mga mahal sa buhay, “gutom at uhaw” pa po ang sa ngayon ay kanilang dinaranas sa kasalukuyan. Nanawagan po sila ng tulong  dahil hanggang ngayon ay hindi pa nga raw po sila naaabot ng ayuda na ipinangako ng gobyerno,  gayong halos limang araw na ang nakalilipas mula ng maganap ang delubyo. 


Maraming bansa na sa mundo ang nagbigay ng tulong at suporta. May mga nagpunta na rin po ditong mga dayuhan para makibahagi sa pag-ayuda  gamit ang kanilang sariling mga transportation equipment. Subalit tila baga hindi pa ito sapat dahil may nakikita po tayong mga “pagkukulang” sa kagyat na pagtugon ng ating pamahalaan sa ganitong national emergency. Mabagal pong masyado at tila walang sistemang sinusunod. It take several days bago sila maka-aksiyon, gayong nasasaksihan na nila ang nangyayaring gutom, nagkalat na mga bangkay, at ang tila anarchy at puwersahang pag-ransack ng iba nating kababayan  para makakuha ng kanilang makakain.  Ang nakalulungkot, gayong  nasa national government po natin ang lahat ng resourses para maka-ayuda ng mabilis at malunasan  ito, naging “mabagal”  naman ang kanilang pagtugon. Food and  water . Ito po ang primary concern ng mga tao doon. Naka-survive nga po sila pero sa ganoong sitwasyon, sa gutom naman po sila mamamatay. Kung busog sila, hindi na nila marahil maiisip makisama sa mga taong may criminal mind na mag-loot sa mga saradong business establishment. Sinasabi nilang ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya, pero hindi po ganito ang ating nakikita. Tila wala silang binuong contingency plan para “mabilis” na maabot ang mga taong nasalanta at nangangailangan ng tulong. 


Okey, fine kung sabihin nilang masyadong malawak ang naging pinsala, pero por Diyos por Santo, hindi naman kailangang magkaroon  ng superhero strength ni PNoy . Siya ang lider ng ating bansa, at sa isang kumpas lamang ay magagawa niyang pakilusin na tila iisa ang lahat ng mga tauhan niya sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Katuwangin ang mga police at military personel para ma-clear ang lahat ng sagabal sa daan.  Magamit  ang lahat ng mga available transportasyon ng gobyero, eroplano, barko, helicopter etc, upang magagamit at maabot ang mga nangangailangan ng tulong, 24 hours. Para ano’t nagdeklara siya ng State of National Emergency, kung magiging mabagal din naman ang pagtugon nila sa pagsaklolo sa mga tao. May balita pa nga na si PNoy ay tila nakikipagtalo pa sa kung ilan ang bilang ng nasawi sa trahedya at  eksaherado raw masyado ang naulat na 10,000 ang naging casualty ng bagyong Yolanda, which to me is immaterial. Hindi ito ang primary concern kung hindi ang "gutom at uhaw" ng mga taong nasalanta. Saka na po tayo magbilangan kapag natugunan na ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Anyway, hindi po panahon ngayon ng sisihan at  turuan ng responsibilidad. Nasasabi ko lang po ang aking sentimiyento bilang isang nagmamasid sa mga kaganapan. Dapat pong iwasan muna natin ngayon ang isyung pulitika at usapin sa pananampalataya na pinipilit isangkot ng mga taong “walang magawa sa buhay”. Panahon po ngayon ng pagkakaisa. Kapit-bisig na pagtutulungan. Panalangin.  Pag-asam at   pag-asa.






Manalangin po tayo


Panginoon po naming Diyos, kami po ay naninikluhod ng iyong habag. Sa ganitong sitwasyon, nakikita po namin ang aming mga kahinaan. Ang aming mga limitasyon na magagawa bilang tao. Ganoon man, kami po ay umaasa ng iyong pag-ibig at patnubay. Totoo pong maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo na nahambal sa nangyari  sa mga naging biktima ng bagyo sa bahaging kabisayaan ng aming bansa. Marami na rin po ang nagpaabot ng kanilang suporta at tulong.  Ganoon man, tila hindi pa po ito sapat para maibsan ang nararanasang pagdurusa ng aming mga kababayan.  Sa kabila po ng mga nasawing buhay, marami pong nagugutom at nauuhaw. Mga nagkakasakit at walang tahanang matutuluyan.  Kahabagan mo po sila. Bigyan mo po ng ayudang espirituwal ang mga taong nagnanais na sila’y matulungan. Ipasumpong mo  po sa lider ng aming gobyerno ang pang-unawa,  na sa ganitong sitwasyon ay nararapat ang agad na pagtugon. May kasabihan nga pong nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Hindi po dapat magpatay-patay ang gobyerno sa kanilang pagtugon.  Ang isang araw, dalawa, tatlo at higit pang araw na pagkagutom at uhaw ay maaaring hindi magbunga ng mabuti.  Marami pa pong mamamatay kung ganito kabagal ang pagsaklolo sa kanila.


May mga pangkat din po ng tao na nagnanais idiskaril ang pagtulong na ginagawa sa mga nasalanta. Mga rebeldeng sa halip maki-isa ay nakakasagabal pa sa paghahasik ng terorismo. Meron din namang mga tao na ginagawang isyu ang relihiyon at naninira ng ibang pananampalataya. Nawa’y ibagsak mo sa mga taong ito ang tabak ni damokles upang maputol ang kanilang masamang ginagawa at hangarin. Huwag mo po silang pagtagumpayin sa kanilang masasamang layunin.


Nawa’y nakaabot po sa iyo ang aming panalanging ito, Diyos naming makapangyarihan sa lahat. Patuloy mo po sana kaming gabayan. Sa kabila ng mga pagsubok na ito na aming pinagdaraanan ngayon, muli mo po kaming itindig upang makabangon sa pagkakalugmok. Manaig po lagi ang kabutihan laban sa kasamaan at ang kapayapaan po ng puso ang papaghariin mo sa lahat ng iyong mga lingkod.



Amen

No comments:

Post a Comment