Thursday, November 7, 2013

Reyna ng Kasinungalingan



 Janet Lim Napoles

Expected ko na po mga kabalat ko ang mangyayari sa pagharap ng “denial at Pork Barrel scam queen” na si Janet Lim Napoles sa senado kahapon kaya hindi na ako umaasa na may sasabihin siya. Ganoon man, nakabuti rin naman para sa akin bilang spectator dahil nagkaroon ako ng tsansang mabistahan, mapag-aralan at mabigyan ng sarili kong pag-aanalisa ang kanyang mga sinabi, facial reaction, etc. ganoon din ang mga nag-aakusang whistle blowers. 


Hindi ko na kailangang maging eksperto sa batas para hatulan ng guilty si Napoles mga kabalat ko. “Res Ipsa Loquitur,” wika nga or the thing speaks for itself. Sa harap ng camera ng ating mga telebisyon, mas nabistahan ko ang galaw at rehistro ng anyo ni Janet Napoles and in my own analysis, “guilty” nga po ang taong ito. 


Sa isang normal na tao, to be able to cleanse her name, sa mata ng mga nag-aakusa sa kanya at sa mata ng taong bayan, ang pagharap po niya sa senate hearing ang pinaka mabisang pamamaraan para patunayan ang pagiging nosente ng isang tao.  Janet Napoles had a chance to contradict whatever accusation hurled to her point by point by her accuser. She can even make an appeal, so that, she can mitigate the mistakes she did to the Pilipino people. Pero ano po ang nasaksihan natin? Her denial. Kahit na po mga simpleng tanong na hinugot lang ni Senator Escudero sa mismong recorded and published interview niya sa radio, telebisyon at diyaryo ay kanyang itinanggi. So, ano po ang magiging conclusion ninyo sa attitude ng ganitong tao?


Masuwerte po si Janet Napoles dahil nasa bansa siya na lahat na lang ng bagay na labag sa batas ay hinahanapan ng butas para mapawalang sala. Na ang proseso ay pinababagal ng mga teknikalidad at delaying tactics ng mga lumalabag sa batas, to buy more time in their favour. Kung sa ibang bansa siya nakatira na higit na istrikto ang mga alituntuning sinusunod, baka after 3 months, mahatulan na siya at mapugutan  ng ulo. Unfortunately, sa Pilipinas lang halos  nangyayari ang ganito kung saan, ang pagsasampa pa lang ng kaso sa criminal ay inaabot na ng isang taon.  Dahilan kaya, malayang nakagagawa pa ng pagtatago ng kanyang milyones na nakulimbat ang mandarambong. Naididispatsa ang mga ari-ariang mula sa katas ng pagnanakaw at nakapaghahanap na rin ng kanilang mga lungga sakaling makatakas sila palabas ng bansa. Ito ang depekto ng  sistema ng batas  sa Pilipinas na tila sinasadyang “ayaw ayusin” ng mga nagpapatupad dito. Sistemang nakasusuka at nakagagalit. Hindi kataka-takang maglisaw nga ang mga buwayang mandarambong sa ating pamahalaan. Kanino kumukuha ng kapal ng mukha ang mga taong ito na sangkot sa pandarambong? Iyan ang sabi ni PNoy sa kanyang speech. Kanino pa po kung hindi kay SATANAS.  


However, kung tatanungin naman ninyo ako mga kabalat ko kung kanino kumukuha ng kapal ng mukha ang mga cabinet members na kapit tuko sa kanilang posisyon sa kabila ng mga patung-patong na tuligsa, ganoon din sa mga GOCC’s na ang mga opisyal ay milyones din ang sinisipsip sa salapi ng mga tanggapang kanilang pinangagasiwaan gaya ng SSS, GSIS, MWSS, etc. etc, sa laki ng mga bonus at iba pang kompensasyong ibinibigay nila sa kanilang sarili.  Kay Presidente Noynoy Aquino  po, na kanilang tagapagtanggol.

So, ano po ang pagkakaiba nila?



Manalangin po tayo



Panginoon naming Diyos na makapangyarihan sa lahat, muli po kaming dumudulog sa IYO. Matagal na pong bulok ang sistema ng hustisya sa aming bansa. Ito po ang isa sa dahilan kaya nagagawang magtagumpay ang mga masasamang elemento sa aming lipunan.  Ginagamit nila ang mga “butas sa batas” upang makaligtas sa kaparusahan. Sa kasalukuyan, nasaksihan po namin ng harapan ang isang “sugo ng diyablo sa lupa”. Isang “reyna ng kasinungalingan” na kumukuha ng kapal ng mukha sa kayang haring si Satanas. Huwag mo pong hayaan na manaig ang puwersa ng kasamaan sa kabutihan.  Ng dilim sa kaliwanagan. Masakit po sa aming mga taong bayan na mapagnakawan. Lalo pong madarama namin ang hapdi ng kirot,  kung ang mga nagnakaw na ito sa kaban ng bayan ay hindi maparurusahan at makakatakas sa pananagutan. Ang hinihingi po namin ay kagyat na hustisya. Maging mabilis ang paglilitis at pagpaparusa sa lahat ng nasasangkot ayon sa umiiral na batas. 


Sa isang banda, kung ang mga mandarambong po na inakusahan at aakusahan pa lamang ay sa amo nilang si Satanas kumukuha ng kapal ng mukha, nawa’y ilantad mo rin po ang mga  kahalintulad nila sa gobyerno ni PNoy. Silang mga alipores na sa Presidente mismo kumukuha ng kapal ng mukha bilang tagapag-tanggol nila. Matikman din po nila ang tabak ni Damokles na puputol sa kanilang mga ulo. 


Kasama din po sa ipinananalangin namin Diyos naming makapangyarihan sa lahat, na sana ay magtagumpay ang isinusulong na “people’s initiative” ng mga taong nangunguna rito.  Mabigyan ng daan ang karapatang ibinigay mo sa aming mga mamamayan upang ganap na maputol na at wakasan ang kamandag ng PDAF at DAP na ginagawang gatasan at kasangkapan ng mga nasa pamahalaan sa tiwaling pamamaraan.


Nawa’y nakaabot na po sa iyo ang aming mga hinaing at panalangin, Diyos naming makapangyarihan sa lahat. Umaasa rin po kami ng laging patnubay sa iyo sa aming mga gagawing pagpapasiya at desisyon.



Amen

No comments:

Post a Comment