Friday, December 20, 2013

Don't You Know Me?




May dalawa pong version akong naririnig mga kabalat ko, tungkol sa nangyaring insidente sa Dasmarinas Village, kung saan involved ang mga sikyo ng naturang subdivision at si Mayor Jun Jun Binay ng Makati.  May pagka-arogante raw na sinabi ni Mayor Binay na “Don’t you know me?”  sa Dasma guard nang hindi sila paraanin sa gate na binabantayan ng mga ito.  Sagot naman ng grupo ng Mayor na hindi raw totoo ito bagkus ang dialogue daw nito ay: “Si Mayor Binay ako, baka puwedeng makiraan lang”. May nagsasabing ipinaaresto raw ni Binay ang mga Dasma guard, dahil sa insidenteng iyon, meron namang hindi at ito ang sinasabi: "Contrary to the report, no arrests were made, and the mayor did not order any arrest. The guards volunteered to go with the police”

That word alone, "volunteered" was a lie. Sinong guwardiya na naka-on duty ang sasama sa mga pulis kung hindi sila ipina-aresto. For what, at nagboluntaryo silang sumama? Para lecture-ran ng tungkol sa "courtesy". By golly, napaka-babaw naman ng katwirang ito. Ipina-aresto sila, plain and simple. Iyan ang pananaw ng inyong lingkod mga kabalat ko.  Hindi  po ninyo naitatanong  mga kabalat ko, ako po ay nakapag-trabaho rin bilang ordinaryong  sikyo, then, naging OIC at naging Detachment Commander din sa malalaking post ng pribadong kumpanya na binabantayan ko. Nakaranas na po ako ng mga katulad na sitwasyon na kagaya ng nangyari kay Mayor Binay at alam ko ang ugali ng ilang mga mayayabang na opisyal ng gobyerno. Dahil nakapagtapos po naman ako ng kolehiyo (BS Sociology, then Law na unfortunately ay hindi ko natapos), nag-level up  din naman po ako  kaya matagal ko na pong iniwan ang trabahong ito. Ganoon man, nasa panig ng mga ordinaryong sikyo ang puso ko at alam ko kung sino ang nagsasabi ng totoo at hindi. Thanks to the CCTV na nagsisilbing “mata” natin para ma-distinguish kung sino ang nagsasabi ng totoo.  What we saw mga kabalat ko, is what we get. No more, no less. Ang video mismo ang magpapatunay. Kung baga sa legal parlance “res ipsa loquitur” or the thing speak for itself.

Ang ginawa  ng grupo ni Mayor Binay, sa mga pobreng sikyo who only acted in accordance with their duties and responsibilities (at ayon  rin sa rules and regulation na kanilang sinusunod mula sa pribadong subdivision), ay isang "highest form of arrogance" na dapat  kondenahin mga kabalat ko. Sino pong bopol ang maniniwalang na kusang sasama sa grupo ni Mayor Jun Jun Binay ang mga sikyo para lang mabigyan niya ng courtesy lecture? Katunayan, malinaw kong nakita sa videona sumaludo pa sa nakasakay sa kotse yung guard na lumapit, as a sign of courtesy. Naka-duty din po ang mga sikyo nang oras na iyon at isa po sa cardinal rules na sinusunod nila ay ang nasa eleven General Order (GO) na: To quit my post, only when properly relieved. So, malinaw na “ipina-aresto” po sila ng Mayor ng Makati sa kanyang mga pulis kaya napilitan  sumama ang mga sikyo at kaululan ‘yung sinabi nila na boluntaryong sumama. Para ano? Para sabunin? Takutin? Pagbantaan?

Nakalulungkot mga kabalat ko na sa isang pangunahing lungsod pa natin nagaganap ang ganitong asal ng isang local executive kung saan dapat ay  napaka-sibilisado ng mga tao at namumuno sa kanila. Para bagang, ang rules and regulation  na ipinatutupad sa isang pribadong subdivision ay kaya ng  “baluktutin”, “sagasaan”, “balewalain”, “tapakan” etc, etc. ni Mayor Binay  at ang mga private security guards na naatasang magpatupad nito  ay puwede na nilang “arestuhin” o ipaaresto ora mismo dahil lang sa hindi nila nagustuhan ang ipinatutupad nitong patakaran.

Ang paghingi po ng apology ng pamunuan ng Security Agency sa grupo ni Mayor Jun Jun Binay ay   actuation rin ng mga taong “walang bayag”. Sa kagustuhan  lang marahil na hindi maapektuhan ang kanilang business interest sa Makati ay nilunok na lang ng security agency ang nakakasukang ka-arogantehan ng isang Mayor na nag-aasal “your highness” sa harap ng mga taong bayan na  nagluklok sa kanya. 

Sa video footage ng CCTV, nakita ko rin ang “epal” na bodyguard ni Mayor Binay na nakapayong at “nagkukumahog” na kumuha ng baril at ikinasa, na tila baga nasa lugar siya ng battle zone at handang mamaril o pumatay ng tao.  Hindi ko inaalis na hindi po maging handa ang mga bodyguard na ito para proteksiyunan ang kanilang self-proclaim “King”, pero depende naman siguro sa lugar at sitwasyon. Masyadong over-acting ang lintek!

Tinatanong ko ang mga taga-Makati. Ganito ba ang local executive na ibinoto ninyo sa puwesto? Masaya ba kayo sa kanyang asal o inaasal?  Wala  pa po sa ituktok ng Malakanyang Palace ang  kanyang “ama”. Paano na kung siya na ang naroon? Kayo na po ang bahalang sumagot sa tanong na iyan. Bahala na kayo sa buhay ninyo.


Manalangin po tayo

Panginoon po naming Diyos, mapagpakumbaba po kaming lumalapit sa IYO. Alam po namin ang pinagdaanan ng iyong anak na si Hesukristo.  Inialay niya ang kanyang buhay dahil sa pagmamahal sa amin. Na sa kabila ng kanyang kapangyarihan, nagpaka-aba po siya. Isinilang sa sabsaban. Namuhay ng payak kahalubilo ng mga ordinaryong tao. Isang katangian na hindi namin masumpungan sa mga taong nanunungkulan sa aming bayan sa kasalukuyan.

Kung tutuusin po Panginoon, ang kanila pong kapangyarihan ay nagmula lang sa aming mga mamamayan na nagluklok sa kanila sa puwesto, pero ano po ang iginaganti nila, ang mag-asal hari at ang mga ordinaryo ay alipin lang nila? Ang  tapakan ang aming mga karapatan bilang isang pribadong tao.  Kung ito po ay nagagawa ng mga namumuno sa isa lamang lungsod, ano pa po kaya kung ang buong bansa na ang hawak nila sa kanilang mga kamay?  Nang kanyang buong pamilya? Huwag mo po sanang ipahinulot na mangyari ito. Ikaw na po panginoong Diyos ang tumuldok  sa ambisyon ng mga ganitong tao at ipag-adya mo po kami sa kanila.

Natutuwa rin po kami Panginoon dahil nalalantad sa aming mga mata ang ganitong mga pagmamalabis. Sa bisa ng makabagong teknolohiya, nabibistahan namin ang tunay na nagaganap, ganoon man, sakabila po nito, nagagawa pa rin po nilang “maglubid ng buhangin”. Palitawing sila’y mapag-pakumbaba at mabait gayong kabaliktaran nito ang kanilang inaasal at ginagawa. Ang pagiging “palalo” at pagka-arogante.  Una na pong nakita namin ang DILG Secretary na  nagpa-bantog sa katagang “bahala na kayo sa buhay ninyo” at ngayon nga po ay ang anak naman ng isa pa sa nag-aambisyong pamunuan ang aming bansa na nagsabing “Don’t you know me?” (Hindi mo ba ako kilala?)

Salamat din po sa teknolohiyang ito na ipinagkaloob mo. Ang internet, ang social media. Kung noon po ay wala kaming magawa sa aming sarili kung hindi magmukmok na lang sa sulok, at isigaw ang aming hinaing sa loob ng tapayan, kapag may nababalitaan kaming pagmamalabis na ginagawa ang namumuno sa amin. Ngayon ay nai-express na po namin ito sa pamamagitan ng social media. Naipararating namin sa buong mundo ang nilalaman ng aming mga kalooban. 

Patnubayan mo po kami o dakila naming Diyos. Gabayan sa aming paglalakbay sa sanlibutang  ito at papaghariiin mo ang kapayapaan sa buong mundo. Ang lahat po ng ito ay hinihiling namin sa IYO, sa pangalan ng aming tagapagligtas na si Hesukristo. 
Amen.

No comments:

Post a Comment