Wednesday, December 4, 2013

Naghihirap na Masang Filpino, Walang Masumpungang Hero





Bagamat maraming kabalat po natin ang nag-abang ng rebuttal  speech ni Senator Miriam Santiago sa kanyang privilege speech  sa Senado noong Wednesday, hindi na po ako naging interesado na pakinggan ito dahil alam ko naman kung ano ang lalamanin ng kanyang mga sasabihin against Senator Juan Ponce Enrile. Ganoon man, sa TV news ko na lang napasadahan ang nangyari, and as  expected, her words against Enrile’s word.   Ang nakalulungkot dahil sa gitna ng kanilang word war, panibagong pahirap na naman po ang naka-amba  sa sambayanang Pilipino sa ibinabanderang “malaking pagtataas” ng electric power rate ngayong Disyembre at Enero. Ito po ay bukod pa sa oil price hike na nagaganap kung saan ang isa pong pangunahing gamit ng mga mamamayang Pilipino sa pagluluto, ang LPG ay lumundag din po ang presyo ng halos abot langit.


Sa ganitong sitwasyon na sunod-sunod na pahirap ang dinaranas ng sambayanang Pilipino sino po ang kanilang masasandigan. Maging kakampi at kasangga sa hirap at pasakit na kanilang binabalikat? Wala po mga kabalat ko.  Habang nagbabatuhan ng putik at binababoy ng dalawang senador  ang bulwagan ng Senado, nakatunganga naman sa pakikinig sa kanila ang iba nating mga mambabatas.  Ang gobyerno naman po ni PNoy,  sa halip na aluin at pakalmahin ang kalooban ng masang Pilipino, thru their spokesman,  ipinagtanggol pa po nila ang dagdag pasanin na ito sa atin at binigyan ng kaukulang justification. Dito po natin makikita ang pagiging “manhid” ng namumuno sa atin mga kabalat ko. Wala pong nadaramang malasakit ang mga taong bayan, na kunwa’y sinasabi niyang BOSS. Sa halip, katuwang pa po ang gobyernong ito ni PNoy sa pambubusa-BOSS sa atin. 


They offer nothing, to ease our sufferings. Mas binabak-apan pa po nila ang  mga nagiging sanhi ng ating paghihirap. Kung tutuusin, sa mga nangyaring anomalya  sa gobyerno, ang pandarambong sa salapi ng bayan, ang naaksaya at pinagsamantalahang  MALAMPAYA fund na ukol daw sa pagpapaunlad ng mga proyektong may kinalaman sa elektrisidad, may dahilan na para mag-alsa sa galit ang mamamayan.  Usigin ang gobyerno.  May bilyon-bilyon  palang salapi ang pamahalaan  para magamit sa energy related projects at mapabababa sana (at hindi para mapataas lalo) ang ating mga bayarin sa ginagamit nating enerhiya pero hindi ganito ang nangyayari. Baliktad po ang nagaganap. 


Sa sobrang kamahalan ng power rate sa Pilipinas, tayo na po ang Isa sa may “pinakamahal” sa buong Asya,  at sa buong mundo na rin.  Sitwasyong hindi po nakabubuti sa sector ng pagnenegosyo. Sino po ba ang negosyanteng magaganyak pang magtayo dito ng kanilang kalakal kung sa presyo pa lang ng kuryente ay  sagad na sila? Kung umaaray  ang maliliit na electric consumer sa ating bansa, lalo po ang mga negosyante. Mas malaking konsumo sa kuryente, mas malaking bayarin ito para sa kanila. Hanggang kailan po kaya makapagtitimpi ang taong bayan? Hanggang saan aabot ang kanilang limit para sabihing, tama na, sobra na.  Kalusin na?



Manalangin po tayo


Panginoon po naming Diyos, muli kaming lumalapit sa iyo.  Nakikita at nalalaman mo ang mga paghihirap na dinaranas ng mga taong bayan. Ang sakripisyong aming pinagdaraanan sa patong-patong na pasanin na ipinababalikat sa amin ng mga buwayang negosyante na “kuryente” at “langis” ang kinakalakal. Dito sa Pilipinas ay bawal po na konti lang ang tutubuin ng mga negosyanteng ito ng mga naturang kalakal.  Bawal din po dito ang malugi.  Ang  kanila pong mga negosyo ay ginagarantiyahan ng aming mga batas na ginawa at ipinasa ng mga tiwali naming mambabatas. Ganoon din po ng lider ng aming gobyerno na inutil at  manhid.   Dahil po dito, sa aming mga mamamayan ipinaa-ako ang sobra-sobrang pasanin at bigat na kanilang ginagawa. 


Wala po kaming maasahang tagapag-tanggol namin sa gitna ng pagdurusang ito. Ang ilan pong mga naluklok  sa puwesto na mga mambabatas namin,  sa halip pong  gumawa ng mga batas na makapagpapagaan sa aming paghihirap ay padarambong sa salapi ng bayan, ang inaatupag, kasabwat ang mga opisyal ng mga ahensiya sa aming pamahalaan. Ang iba naman po ay parang manok na nagsasabong at nagbabatuhan ng putik sa kapulungan ng Senado.  Ang lider po naman ng “tuwid na daan daw” at kanyang mga alipores sa Palasyo ay mga “manhid” naman po at tumatayong abugado o tagapagtanggol ng mga mapang-api at tusong negosyante na nagpapahirap sa amin. Dahil dito, IKAW na lamang po Panginoon naming Diyos ang aming masasandigan sa "abandonadong kalagayan" namin sa kasalukuyan.


Tulungan mo po kami. Ibagsak mo ang “tabak ni Damokles” sa mga mandarambong, inutil, at palalong opisyal  na nanunungkulan sa aming pamahalaan. Ipamukha mo po sa kanila na ang kapangyarihan ng taong bayan ay kapangyarihang mula sa IYO at ang kanilang kapangyarihan sa kanilang puwesto ay hiram lamang nila sa aming mga mamamayan na kanilang dinudusta at binubusabos. Panginoon, pagaanin mo rin po ang aming mga nagpupuyos na kalooban.  Dagdagan mo rin po ang aming pasensiya.  Pagkalooban mo kami ng payapang  isipan sa gitna ng nag-aalimpuyo at daluyong na sanhi ng mga pagmamalabis ng tao sa kanyang kapwa.


Marami pong salamat Panginoon naming Diyos. Ang lahat po ng ito ay hinihiling namin sa pangalan ng aming tagapagligtas na si Hesukristo.


Amen




No comments:

Post a Comment