Sunday, May 18, 2014

Patay na Langaw sa Administrasyong PNoy (Part 2)


“Ang isang boteng pabango ay mapapabaho ng isang patay na langaw” (Mangangaral 10:1)

Kung atin pong babalikan, ang administrayon ni PNoy ay umani ng mataas na trust rating at popularidad sa paningin ng marami nating mamamayan. Ilan pa sa nakadagdag dito ay ang pagsasabi niya noon sa kanyang SONA na “kayo ang boss ko” at “daang matuwid”. Dahil dito maihahalintulad ang kanyang administrasyon sa isang bote ng pabango na humahalimuyak.

Subalit sa paglipas ng mga buwan, at taon ng kanyang pamamahala, ang mabango niyang administrasyon ay unti-unting bumabaho. Ang dahilan, mahilig po siyang kumupkop, mag-alaga at magtanggol  ng mga “patay na langaw” na nasa kanyang kandili. Basta po kaibigan, ka-klase at kabarilan, nagmimistula silang untouchable. Sila po ang nagsisilbing kalawang sa bakal, at patay na langaw sa mabango niyang administrasyon. 

Sa paglabas ng “Napolist” ng pork barrel queen na si Janel Napoles, natambad po sa madlang people na tatlong patay na langaw ang kabilang dito. Ang kanyang Budget Secretary  na si Butch Abad, Agriculture Secretary na si Proseso Alcala at ang TESDA head na si Joel Villanueva. Kung may delicadeza ang tatlong ito, maaaring hindi na kailanganin ni PNoy na sibakin sila o pagbakasyunin muna, pero dahil may kakapalan nga, particularly itong si Alcala at Abad, nananatili silang nakakapit sa puwesto. Nagre-rely po sila sa popularidad ni PNoy gayong alam nila na nagsisilbi silang patay na langaw na nagpapabaho sa administrasyon nito.

Ang problema, kung makapal po ang pagmumukha ng mga patay na langaw na ito sa administrasyon ni PNoy, tila nakatagpo naman po sila ng presidenteng may bahagyang kamangmangan. Dahil dito, gusto kong idagdag ang kasunod na talata ng naunang sinitas ko sa Biblia. “Ang bahagyang kamangmangan ay nakasisira sa kaalaman at karunungan” (Mangangaral 10:1). Kung matalino man si PNoy, ang bahagya niyang “kamangmangan” ang sumisira sa kaalaman at karunungan. So, saan po hahantong ang administrasyong ito? Sa pagbulusok
.
Ang kailangan po natin sa panahong ito ay isang presidente na walang bahid ng kamangmangan. Presidente na handang isalba ang kanyang administrasyon sa nakasisirang amoy ng mga patay na langaw na nasa kanyang kandili. Hindi lang po isa, kung hindi tatlong patay na langaw ang nasa Napoles list.


No comments:

Post a Comment