Sunday, July 27, 2014

Anong Klaseng Lider si Presidente Noynoy Aquino?

President Benigno Simeon Aquino

Noong si President Gloria Macapagal Arroyo (anak ng dating presidente na si Diosdado Macapagal) ang nakaupong presidente, sinulat ko sa aking Kabalat News’ Commentary Blog, na sa ilalim ng kanyang pamamahala tinawag ko itong “the most corrupt administration in the Philippines” next to President Marcos. Ang dahilan: bukod sa siyam na taong pamamahala, halos nag-top ang Pilipinas sa hanay ng mga tinaguriang the “world most corrupt countries in the world.” Nang bumaba si GMA sa puwesto, hindi na ako nagtaka kung bakit kinasuhan siya ng plunder at gayon nga ay nakakulong.

Nang pumalit si Presidente Benigno “Noynoy” Aquino (anak ng isa pang presidente: Corazon Aquino) naging mabango ang kanyang pangalan dahil sa popularidad ng kanyang ama at ina.  Sa kanyang mga naunang SONA, maraming nag-klik na naibukang-bibig si PNoy gaya ng: “Walang Wang-wang”, “tuwid na daan”, “kayo ang Boss ko”, at iba pa mga ka-eklayan. (thanks to his imaginative speech writer). Hindi lang daw ito "slogan" o "poster", pero lumilitaw na ganoon nga lang ang mga ito dahil sa maituturing na "walang laman". Marami rin siyang ipinangako sa taong bayan. PERO….napako.

After four years, walang pagbabago. Ang mahihirap ay lalong pinahirapan dahil sa pagtaas ng mga bilihin, particularly ng bigas o “butil ng buhay”. Ang pangako niyang magiging self sufficient na tayo sa bigas ay “kasinungalingan” lang pala at “bulong” ng alipores niyang si Department of Agriculture Proseso Alcala. Ito ang naging pagkakamali ng maraming botante sa paghahalal sa isang hindi pa hinog o handang maging Presidente ng ating bansa at mahilig lang mag-rely sa mga bulong, payo at ibinibigay na gawa-gawang statistics ng kanyang mga ka-klase, kaibigan at kabarilan na nakapaligid sa kanya. Mga alipores niya sa mga departamentong kanilang pinangangasiwaan.

Natuwa tayo nang malantad ang PDAF scam (thanks sa mga whistle blowers). Nahubaran ng anyo ang ating mga mambabatas at nakilala natin ang mga mandarambong sa kaban ng bayan. Pero mas lalo tayong nagulat dahil sa pagkakalantad ng DAP na idinekarang unconstitutional ng ating Supreme Court. Dito natin ganap na nakilala ang pagkatao ng ating presidente. Kung sino, at ano siya bilang lider ng ating bansa. 

Makitid ang Isip

Ang pakikipag-bangayan ni PNoy sa ating Supreme Court dahil sa DAP ay naglalarawan sa kanya bilang isang “lider na may makitid na pag-iisip”. Ang tunay na lider ay hindi nagpapadala sa kanyang damdamin. Matalo man o manalo ay kailangan niyang maging “cool”. Alamin ang dahilan kung meron mang mali, at irespeto ang desisyon ng katas-taasang hukuman dahil iyon ang nararapat. Siya ang simbolo ng mga Pilipino. Kung ang simbolong ito ay magpapakita ng kawalan ng respeto sa batas, ano ang kabutihang masasalamin sa kanya bilang mabuting lider.

Walang Alam at Nagmamarunong

Ang isang tunay na lider ay gumagawa muna ng nararapat na hakbang sa kanyang pagkatalo bago ngumakngak ng ngumakngak. Ang isang matalinong lider ay lubhang maingat at mahinahon. Dito ay masasalamin nating si PNoy ay “lider na walang alam pero nagmamarunong” sa batas. Isang lider na umaasa lang sa payo ng kanyang mga legal adviser kaya kung “palpak” ang ipinayo nito sa kanya, titindigan na lang niya ito dahil wala nga po siyang alam. Isang mapanganib na hakbang dahil pagdating ng panahon ng paniningil, kasama siyang hahatulan ng mamamayan.

Manhid

Ang boses ng taong bayan ay dapat naririnig o dinidinig. Kung sila ay dumadaing, nasasaktan, nahihirapan, at nagdurusa sa kanilang mga pasanin, dapat na maging sensitive ang isang lider. Unfortunately, si PNoy ay isang “lider na manhid” sa sentimyento ng mahihirap nating mamamayan. Kandakuba na ang mga ordinaryong manggagawa sa kakarampot nilang kinikita pero hindi na ito makasapat dahil sa sobrang taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Tila wala siyang pakialam sa sikmurang kumakalam ng naghihirap nating mamamayan. Ang hindi niya agad pag-aksiyon para tugunan ang problemang ito sa kabila ng hindi maawat-awat na pagtaas ng bilihin ay pagpapakitang manhid siya sa hinaing ng taong bayan. 

Walang Pulso

Ang tunay na lider ay dapat marunong makiramdam at magmasid sa kapaligiran ng kanyang nasasakupan. Kung baga sa isang mahusay na piloto ng barko, nalalaman niya ang galaw ng alon sa karagatan. Dito ay masasalamin din na si PNoy ay “lider na walang pulso” sa tunay na damdamin o nadarama ng taong bayan. Umaasa lang siya sa sinasabi ng kanyang mga co-pilot habang naglalakbay sa tuwid na daan. Hindi niya alam kung may namumuo nang ipu-ipo sa damdamin ng taong bayan na sa simula ay isang maliit lamang pero dahil nga sa kawalan niya ng pulso, lumalaki na itong gaya ng isang dambuhalang tornado.

Kunsintidor

 Ang isang magulang ay dapat nakakakilala ng kamalian na ginagawa ng kanyang mga anak at handang magparusa kung inakailangan. Hindi niya ito dapat ginagawang “spoiled”. Dito ay masasalaming si PNoy ay isang “lider na kunsintidor” sa kanyang mga ka-klase, kaibigan, at kabarilan. Kunsintidor sa kanyang mga incompetent and non performing cabinet secretary na mahilig lang magmagaling at magsinungaling. Siya ang lider na kapag pinuna ang kanyang mga tauhang “palpak”, sa halip na timbanging mabuti ang depekto at kung merong pagkakamali, disiplinahin ang mga ito o sipain sa puwesto. Pero hindi po ganito ang kanyang ginagawa. Depensa agad ang kanyang tirada. Kung baga, siya ang shock absorber ng mga tiwali niyang alagad. Kahit isinusuka na ng taong bayan ay kanya pa ring patuloy na inaampon, sukdulang hilahin siya ng mga ito sa kumunoy na kanilang nilikha. Saan sila kumukuha ng kapal ng mukha? Kanino pa kung hindi sa kanilang lider na kunsintidor.

Ilan lamang ito sa depekto ng leadership ni President Noynoy Aquino. Sa susunod ay dadagdagan ko pa ito base sa aking sariling obserbasyon na ibabahagi ko sa inyo.

No comments:

Post a Comment