Monday, July 28, 2014

SONA 2014 ni President Noynoy




Hindi katulad sa mga naunang SONA ni President Noynoy Aquino, pinanood ko at pinakinggan ng buo ang kanyang SONA 2014. Ang dahilan, marami akong gustong marinig mula sa kanya. Ang kanyang mga pangako na muling mapapako.  Inabangan ko rin kung may bago siyang “slogan” na pauusuhin, pero sa pagkakataong ito ay wala na siyang nabanggit. Marahil ay pinagsabihan na niya ang kanyang mga speech writer na iwasan ito dahil, maaaring bumalandra lang sa kanya.  Ang nadagdag ay ang mga ipinakitang video footages na ipinakita sa madlang pipol bilang patunay na may mga nakinabang at natulungan ang kanyang administrasyon. Halos isang oras at kalahati ang itinagal ng SONA ni PNoy, pero sa kabila nito, nakulangan ako sa nilalaman at sustansiya ng kanyang mga ipinahayag. 

Bagamat may mga ipinakitang datos mula sa nag-perform niyang mga cabinet secretary at ahensiyang pinangangasiwaan ng mga ito gaya ng TESDA, DOE, DPWH, DOLE, etc, ang mga pangunahing problema ng ating mahihirap na mamamayan ay hindi pa rin natugunan. Ang datos na ipinakita sa employment ay taliwas sa katotohanang nangyayari. Napakarami pa ring jobless sa ating mga kababayan. Ang totoo,  ang “kawalan ng oportunidad sa hanap-buhay” at ang “pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin” ang pinaka-sensitibong bagay na nakaka-apekto sa ordinaryong mamamayan. Ito ay may kinalaman sa kanilang “sikmura” kaya kahit anumang datos ang kanyang iprisinta, nananatili itong hungkag at walang laman. Mabuti na lang at hindi na niya pinatutsadaan pa ang Supreme Court sa kanyang SONA dahil kung binanggit pa niya ito, malamang na bumuwelta lang sa kanyang muli. 

Sa huling bahagi ng kanyang SONA, naging emotional si PNoy lalo na nang mabanggit nito ang kanyang ama’t ina ngunit ito ay natural lamang sa isang presidenteng inuulan ngayon ng kaliwa at kanang batikos, sinampahan ng kasong plunder at patuloy na bumabagsak ang trust rating. Sa bandang huli ay umaapela siya ng “pagtitiwala” mula sa sinasabi niyang mga “Boss”. Hindi ko alam kung ang mga mambabatas na naroon ang tinutukoy niyang boss dahil sila ang pumalakpak sa kanyang mga sinasabi. Kung minsan ay wala pa ang mga ito sa timing kaya parang sadyang hinihintay ni PNoy na palakpakan siya.

May binanggit si PNoy tungkol sa pagtugis “daw” at pagpapanagot sa mga buwayang negosyante ng bigas na nagtatago at nagpapataas ng presyo ng butil ng buhay. Akala ko ay pupurihin niya ang isa niyang “patay na langaw” sa administrasyon na si Secretary Proseso Alcala sa kabila ng pagiging incompetent at non performing cabinet member, pero hindi po pala. Naroon lang ang naturang sekretaryo bilang “taga-palakpak”. May nasabi rin si PNoy tungkol sa hinaharap na problema ng enerhiya pero hindi ko naunawaan kung ano ang kanyang kagyat o mabilisang pagtugon at plano para ito masolusyunan. Paano na kung next year ay sumulpotna ang problema sa enerhiya. Napakalaking problema nito hindi lang sa taong bayan kung hindi sa negosyo at kalakal. 

Maliban sa mga dati nang mga sinasabing ayuda sa ating agricultural sector,  walang laman din ang sinabi ni PNoy. Wala rin siyang sinabing epektibong plano para masugpo at mabawasan ang tumataas na kriminalidad sa ating pamayanan. Maging sa manufacturing sector na isa sana sa puwedeng mag-generate ng employment ay wala siyang  ibinahaging pagpa-plano.

Sa kabuuan, hindi ako satisfied sa SONA ni PNoy. Maging sa kanyang mga ipinakitang video footage ay hindi ako bumilib.  Mas gusto ko pang panoorin ang mga documentary show na ipinalalabas sa GMA, dahil dito ay nasasaksihan ko ang totoo at iba’t ibang problema sa ating mga naghihirap na kababayan at komyunidad. Kung ano ang kanilang mga karaingan, kakulangan at problemang hindi nagagawang solusyunan ng ating pamahalaan. At the rate of one to ten, “apat at kalahati” lang ang maibibigay kong grado kay PNoy bilang isa sa ordinaryong mamamayan na nakinig at nag-analisa sa kanyang SONA 2014.



No comments:

Post a Comment