Friday, February 6, 2015

No Rest in Peace




Mission accomplished. 

Ito ang ipinagmamalaki ng gobyerno. Hindi raw nasayang ang buhay ng fallen 44 SAF members dahil napatay nila ang high profile terrorist na si Marwan. They even justified it by saying, maraming inosenteng buhay ang maliligtas dahil sa kamatayan nito. Kabi-kabila ring papuri ang kanilang ibinigay sa fallen 44 at ayudang financial sa mga naulila. Kung baga sa pangit na larawang ibinunga ng operation, kanila itong pinupulbusan at mine-make-up-an para mamukhang kaaya-aya at maganda sa paningin ng mga tao. Ganoon man, hindi kayang takpan ng anumang papuri ang “malalim na sugat” na nilikha ng kapabayaang ito. 

Hindi ko tuloy maiwasang ilagay ang aking sarili sa katayuan ng fallen 44.  Na habang nasa gitna ng pakikidigma sa mga kalabang nakapa-ikot, malaki ang kanilang pag-asang makasalba. Alam nilang bahagi pa rin ng teritoryo ng Pilipinas ang kanilang pinasok. Daan-daang ding SAF members at kasamahan nila sa operation ang inaasahan nilang sasaklolo sa kanila. Bukod dito meron din silang inaasahang Armed Forces of the Philippines with complete military hardware to use to reinforce them. Na ang kanilang kinaroroonan ay halos ilang kilometro lang ang layo. Unfortunately, ang kanilang pag-asa ay naglaho sa di  pagkilos ng mga sasaklolo sa kanila, at ito ang pinakamasakit sa lahat.  Nagmukha silang mga gamu-gamong isinugba sa apoy kung saan ang kanilang mga sigaw ay nilunod  ng mga putok ng baril mula sa kaaway at kumitil sa kanilang mga buhay.

Maihahalintulad ko ang nangyaring Mamasapano massacre sa kuwento ng isang pamilya na may TATAY na gumigiya sa kanyang mga anak. Dahil umiiral sa amang ito ang ‘favoritism’, sa kabila ng kapalpakang ginagawa ng kanyang “panganay na anak”, tiwala pa rin siya ito. Dumating ang oras na may misyong gagawin. Isinekreto ito ng Tatay sa  iba pa niyang nakatatandang anak.  Ipinaubaya niya ito sa kanyang panganay. Misyong iniatang naman nito sa mga nakababatang kapatid. Papasukin nila ang bakuran ng kanilang kaaway na kapitbahay dahil hinihinala nila na kinakanlong nito ang isang “bumbero” na nagpapasabog ng bomba at pumapatay sa mga inosenteng tao. Ang bakurang papasukin ay sakop at pag-aari pa rin ng Tatay pero inaangking teritoryo ng caretaker na umookupa dito. Ilang buhay na ang nabuwis dahil sa kanilang alitan pero nang lumaon ay nagkaroon sila ng kasunduan para pumayapa. Kailangan daw muna ng coordination bago sila pumasok
.  
Ito ang hindi sinunod ng Tatay at ng paborito niyang anak. Nang pasukin ng mga nakababatang kapatid ang inaangking teritoryo ng caretaker at isagawa ang misyon, kinuyog sila ng mga tauhan ng caretaker. Sa kanilang pakikipaglaban, nadaig sila ng mas nakararami at isa-isang pinagpapapatay. Humingi ng saklolo ang mga nakababatang kapatid sa iba pa nilang mga kapatid na nakaalalay sa kanila, pero hindi sila nito tinulungan. 

Sa ordinaryong sitwasyon, kapag ang anak ay nasusubo sa away, “instinct” na sa ating Tatay na siya ang ka-una-unahang sumasaklolo para ipagtanggol ang kanyang mga anak sa pambubugbog ng kaaway? Instinct rin sa  mga kapatid na susubo na rin sa away kapag nakikitang ginugulpi at dehado sa laban ang kanilang mahal sa buhay? Iisipin ba muna nila ang kasunduan? O dahil hindi nagsabi ang kanilang kapatid ng advance para hindi sila tulungan?

Sa naganap na Mamasapano massacre, ang daming dahilan, katuwiran, excuses, alibis akong narinig sa panig ng gobyerno, AFP at SAF officials kung bakit hindi nila nagawang masaklolohan ang pinagpapapatay nilang kasamahan. Kung baga sa magkapatid, ang opisyal ng kapulisan at militar sampu ng kanilang mga tauhan ay nakatambay, pakuyakuyakoy, at pakaang-kaang lang habang pinakikinggan ang putukan at tila baga wala silang pakialam malipol mang lahat ang SAF members na nakikipagdigmaan. Hindi ba nila alam na “time is of the essence”. Na sa isang minutong pagka-antala ng pagsaklolo, ilang buhay ang malalagas and yet, they still debating “no proper coordination”.  To hell with the peace talk, to hell with this proper coordination. What was at stake at that point and time are the lives of their brothers in arms, pero ano ang kanilang ginawa? Nothing? Ang peace talk ay hindi mawawala. Ito’y puwedeng balikan sa mesa para muling pagkasunduan. Hindi rin dapat pag-debatihan dito ng SAF at AFP ang proper coordination.   Ang hindi na maibabalik ay ang buhay ng fallen 44 na hindi nila sinaklolohan. 

Alam nila kung sino-sino sa kanila, sa hanay ng mga SAF at AFP Commander ang nagpabaya. Pero alam kong ibabato nila ito sa kanilang Commander in Chief. Ang nagsisilbing AMA at TATAY ng ating bansa. Unfortunately, isang manhid na ama ang meron tayo. Isang amang walang “instinct” na taglay ng isang ordinaryong Tatay sa kanyang mga anak. Isang ama na walang kakayahang magdesisyon sa sandali ng katulad na sitwasyon. Isang ama na may kakayahang magpakilos at magmando ng kanyang iba pang mga anak (AFP) para isalba ang kanilang mga kapatid sa bingit ng kamatayan, pero hindi niya ginawa. Kung hindi kumikilos at gumagawa ng aksiyon ang mga ground commander ng SAF at AFP sa kabila ng paghingi ng saklolo ng mga naiipit nilang kasamahan, ano ang dahilan? May pumipigil ba sa kanila? Sino? Bakit? Ano ang ginagawa ng AMA o TATAY ng ating bansa na siya ring Commander in Chief habang nagaganap ang bakbakan?

Totoo ang sinabi ni President PNoy Aquino sa kanyang ikalawang pagharap at mangusap sa taong bayan. Ang kanyang pag-amin ng responsibilidad sa nangyaring trahedya na naging sanhi ng kamatayan ng fallen 44. Ito’y alaalang babaunin niya for the rest of his life.  And to the fallen 44.... 

No rest in peace.

No comments:

Post a Comment