Back to komentaryo tayo mga kabalat
ko, after missing several issues sa mga nakalipas na Linggo. Sa araw na ito,
medyo napataas ang aking kilay dahil sa narinig at napanood kong balita sa TV
na “nadismaya” di-umano si VP Binay
at Mayor Erap Estrada sa pagpirma ni Senator Grace Poe sa partial report ng
Blue Ribbon sub-committee na nagrerekomendang sampahan ng kasong plunder ng
Ombudsman si VP Binay, et, al. Sa totoo lang, sumasaludo ako
sa ginawang ito ni Senator Grace Poe.
Maihahalintulad ko ang
nangyaring ito sa isang children’s fairy tale na “The Emperors New Clothes”. Sa naturang kuwento, isang palalong emperador
ang sobrang nahumaling sa pagsusuot ng magagandang damit. Dahil dito, dalawang
sastre na humahabi ng tela ang kanyang ipinatawag para magpagawa ng bagong
damit. Napaniwala ang emperador na walang katulad na materyales ang gagamitin
ng dalawang sastre sa telang kanilang hahabiin at tatahiin. Kung ang magsusuot
nito ay karapat-dapat at matalino, makikita ng mga tao ang kagandahan ng naturang
damit. Tanging mga “hangal”, “tanga”
at “gunggong” lang daw ang hindi
makakakita sa damit na kanilang
tatahiin. To make the story short, natapos tahiin ng dalawang sastre ang damit na isusuot ng
emperador. Pero, laking gulat nito dahil wala siyang nakikita. Invisible sa
kanyang paningin ang damit na hinabi at tinahi ng dalawang sastre para sa
kanya. Ganoon man, dahil hindi niya maatim sa kanyang kalooban na matawag
siyang hangal, tanga at gunggong, nagsawalang kibo ang emperador. So, dumating
ang sandali ng parada. Suot ng emperador ang bago niyang damit na naglakad,
kasama ang kanyang mga alipores.
Labis na namangha ang mga
tao sa nakita. Lumalakad kasi ang emperador ng “nakahubad” o walang suot na
damit sa kanilang paningin. Ganoon man, walang nangahas isa man sa kanila ang
nagsalita o isatinig ang kanilang nakikita. Ayaw nilang masabing sila’y hangal,
tanga at gunggong. So, “no say” na lang sila sa kanilang namamalas. Ang siste
pa nito, may mga gustong “umepal” sa
emperador at para patunayang sila’y matatalino (kuno), pinuri pa nila ang suot na damit ng emperador,
kahit hubad ito sa kanilang mga paningin. Pero, blessing in disguise, nang
matapat at may makakitang “inosenteng bata”
sa emperador na naglalakad, sumigaw ito at sinabing “nakahubad ang emperador”.
Sa fairy tale na ito,
maitutulad ko si Senator Grace Poe sa karakter ng batang inosente na nagsabi
lang ng kanyang tunay na nakikita kay VP Binay. Maging ang mga supporter at
political allies ng ating Vice President ay alam ito. Batid nilang “nahubaran na ang pagkatao” ng kanilang
minamanok sa presidential derby. Ito’y dahil sa mga hinabi at tinahing
testimonial at documentary evidence ng tatlong sastre sa Senado na sina
Trillanes, Pimentel at Catetano. Ito’y thru the courtesy of VP Binay’s best
friend and now his deadliest foe na si former Vice Mayor Ernesto Mercado who
knew all his secret. Nagawa nilang makatahi ng isang VP Binay’s New Clothes na
nagsilbing invisible clothes at naglalantad sa likaw ng kanyang pagkatao. Sa
kabila nito, pinananatili pa rin ng mga political allies, fanatic supporters,
mercenaries and bobotantes ang kanilang pagiging hangal, tanga at gunggong sa
isang “hubad na presidential contender.”
Dapat tayong magpasalamat kay Senator Grace Poe sa kanyang pagsasabi ng tapat.
Isa ito sa dapat na maging katangian ng
isang future leader. Hindi niya isinaalang-alang na kaibigang matalik “kuno” at supporter daw ni FPJ sina
Mayor Erap Estrada at VP Binay. At sa panig naman po ng dalawang nadismaya,
dito natin masasalamin ang kanilang pagkatao, kung saan naniningil sila ng
pabor sa anak ng dati nilang sinuportahan at yumaong si FPJ. Mga karakter na
hindi dapat pagkatiwalaan ng taong bayan dahil mauulit ang kasaysayang
weder-weder lang.
Manalangin Po Tayo
Panginoon po naming Diyos,
muli kaming lumalapit at dumudulog sa iyo. Malayo pa ang eleksiyon, kabi-kabila
na po ang mga nagpaparamdam at nagnanais tumakbo sa pampanguluhang eleksiyon sa
2016. Meron pong nauna nang nagpahayag na kakandidato. Meron naman pong nagpapakipot pa hanggang
ngayon. Ganoo man, ang nakatutuwa, meron na po kaming mga alternatibong
nakikita na posibleng maging future leader ng aming bansa.
Sana po, sa sinumang
mahahalal na presidente, IKAW na po ang
magtanim sa kanilang isip at puso na sa pagiging leader ng bansa ay hindi dapat
pairalin ang “pakikisama”, “pakikipag-kaibigan”, at “utang na loob system”. Nabigo na po
kami kay President Noynoy Aquino na ang pinairal sa kanyang administrasyon ay “fraternity” leadership and selective
justice”. Ang kailangan po naman namin ngayon ay isang lider na
mapagkakatiwalaan, tapat at sensitibo sa karaingan ng mga naaapi,
pinagsasamantalahan at naghihirap na mamamayan.
Mulat ang mga mata at isip sa nagaganap sa aming kapaligiran na nababalot
nang takot dahil sa lumalalang kriminalidad. May matalas na pang-amoy sa mga
kasamahang buwaya, linta at buwitre sa sariling bakuran kapag naluklok na.
Mapag-parusa sa mga nagkasala at tiwaling opisyal ng gobyerno (alagad, kaklase o kaibigan man ito). Mabilis tumugon
at umaksiyon sa gitna ng kalamidad at trahedya. May pananaw na malayo para sa
darating o hinaharap na kaganapan na posibleng maka-apekto sa aming bansa. May
sariling unawa, talino, at desisyon. Hindi pala-asa sa “bulong” ng mga adviser.
Marunong mag-analisa sa mga problemang panloob at panlabas ng aming bansa, at
may kakayahang humanap ng angkop na solusyon para dito. And last but not the
least, magkaroon po sana siya ng “political
will” at dapat pairalin ito ng pantay-pantay at walang kinikilingan sa
kanyang mga nasasakupan, kamag-anak,
kaibigan, o mga kaaway man.
Marami na pong panahon ang
naaksaya at nasayang o, DIYOS, pero pawang palpak, sinungaling at
mapag-balatkayo ang mga naging lider ng aming bansa. Sana po ay huwag mo na kaming
pagkakaitan. Ipagkaloob mo na po sana sa amin ang isang tapat at tunay na lider
na magsisilbing timon ng bansa sa susunod pang anim na taon. Iyong hindi sinungaling, at hindi rin
mapag-balatkayo na kahit baluktot ang daan ay itinutuwid. Iadya mo rin po sana
kami sa mga nagtatangkang maging lider pero sagad po sa buto ang pagkagahaman
sa salapi at kapangyarihan. Ibagsak mo rin po sana sa kanila ang tabak ni
Damocles at papag-bayarin mo sila sa kanilang mga ginawang kataksilan at
pandarambong sa kaban ng bayan.
Umaasa po kami Panginoon
naming DIYOS na dininig mo na ang aming panalangin at karaingan. Ang lahat po
ng ito’y hinihiling namin sa pangalan ng iyong ANAK at aming Panginoong si
HESUKRRISTO.
Amen
No comments:
Post a Comment