Sunday, September 27, 2015

Ang BULOK ang LAMOG at ang MANIBALANG




Nang magdeklara ng kanyang hangaring tumakbo sa pampanguluhang eleksiyon si Senator Grace Poe sa 2016, isa ako sa natuwa at parang nabunutan ng tinik. Ito’y sa kadahilanang meron na tayong alternatibo kung saka-sakali. Kung baga sa mamimili,  meron na tayong mapagpipilian sa mga nakalatag na itinitinda. Dahil dito bibigyan ko ng kaukulang klasipikasyon ang mga “presidential contender” na iniaalok ang kanilang mga sarili sa ating mga botante para pamunuan ang ating bansa. Itinulad ko sila sa  prutas na nasa isang tray kung saan binigyan ko ng kaukulang paglalarawan ang bawat isa. May bulok, may lamog at may manibalang.

Vice President Jejomar Binay 
(Ang Bulok)

Unahin natin ang BULOK na presidential contender. Siya si Vice President Jejomar Binay. Bukod sa siya ang pinakamatanda, isa rin siya sa pinakamatagal nanungkulan sa local government bago naging Vice President. “Inaamag” na wika nga. Ang kanyang ipinagmamalaki ay ang kanyang karanasan kaya itinuturing niya ang kanyang sarili bilang hinog. Ang problema, kung hinog man siya, masasabi ko namang BULOK. Bakit? Sa tagal ng kanyang panunungkulan sa Lungsod ng Makati, biglang nalantad at umalingasaw sa madlang pipol ang kanyang mga kabulukan. Kung baga sa isang hinog na prutas, sangkatutak palang “uod” ang kanyang itinatago. Ang nagbuking mismo nito ay ang kanyang “best friend” at naging Vice Mayor niya sa Makati, si Ernesto Mercado. Sa ginawang pagbubunyag nito sa senado, dito nauso ang mga salitang ‘Birthday cake for Senior Citizen”, Biding-bidingan”,“Overprice”, “Dummy” etc. Sa sangkatutak na uod (ebidensiya) na inilantad ni Vice Mayor Mercado at ng ilang dating opisyal ng Makati City na nagbunyag nito, simpleng denial lang ang isinagot dito ni Vice President Binay. Urong ang kanyang “balls” na sagutin ang mga akusasyon sa kanya and yet, sa paid advertisement niya ay ang “kapal ng mukha” niyang sabihin na sinagot na raw niya ito at nagpakita pa ng mga ebidensiya kuno. Ang pagkatao ng isang nag-aambisyong kumandidato sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa ang dapat nating suriin at pag-aralan. Di nga ba’t siya rin ang nagsabi na pabor siya sa panunungkilan ng “wan to sawa”? Ito’y mentalidad ng isang diktador at suwapang sa kapangyarihang pinuno. Kasakimang makikita at masasalamin natin sa kanyang sariling pamilya na halos kopohin na ang posisyon (family dynasty) sa ating gobyerno (anak na Mayor, Congressman at senator)  Ang tingin ni VP Binay sa lahat ng mga taong nakakaharap niya ay mangmang at gunggong na kaya niyang bolahin at paikutin. Di nga ba’t naging pagkakamali sa kanyang bahagi nang tangkain niyang paikutin ang mga estudyante sa UP Los Banos nang humarap siya dito? Ano ang naging resulta, nakatikim siya ng mga katanungan mula sa mga kabataang may sapat talino at nag-iisip. Alam nila na ang taong nasa harap nila at iniaalok ang sarili na pamunuan ang ating bansa ay hindi tapat at nagsisinungaling. Kung baga sa prutas, isa itong bulok, inuuod at nangangamoy.

Former DILG Secretary Mar Roxas 
(Ang Lamog)

Isunod natin ang LAMOG. Siya si former DILG Secretary Mar Roxas. Kung baga sa prutas, itinuturing din niya ang kanyang sarili bilang hinog. Ganoon man, sa aking sariling pananaw, sobra na siyang nalamog. Mistula siyang bolang nasobrahan sa dribol. Nang i-endorso siya ni President Noynoy Aquino, iniisip niyang nagpabango ito sa kanyang kandidatura, pero hindi ganito ang aking nakikita. Ang administrasyong P-Noy ay nag-alaga ng mga cabinet secretary na tinatawag kong “patay na langaw” na nagpabaho sa kanyang pamumuno. Ito ang dahilan kaya tinawag ko siyang lider na “kunsintidor”. Pinaiiral niya ang “fraternity leadership” kung saan ginawa niyang untouchable ang kanyang mga ka-KKK na alipores, gaano man ito kapalpak, ka-kapalmuks, ka-incompetent at ka-corrupt na public officials. Hindi nga ba’t sa naganap na Mamasapano Massacre, si President Noynoy Aquino rin ang tinaguriang pinaka-tangang leader sa kasaysayan ng Pilipinas na ang nagbansag ay isang actor sa pelikula dahil sa kanyang kapalpakan bilang Commander in Chief. Former DILG Secretary Mar Roxas, in his speech after he was endorsed by P-Noy reiterated, na kanya raw "ipagpapatuloy, ipaglalaban at palalawakin ang daang matuwid, este daang baluktot pala". So, ano ang aasahan natin sa kanya? Ipagpapatuloy niya ang manhid at palpak na pamamahala ni P-Noy? Ipaglalaban niya at kukunsintihin ang kanyang mga ka-KKK? Palalawakin niya ang daang matuwid na nagkabalu-baluktot na? Sa pagsakay ni Mar Roxas sa karitong hila ni P-Noy, na ang dinaanan ay baku-bakong daan at baluktot, hindi maiiwasang magka-kaldag-kaldag ito at siya ay “malamog”. So, kung kayo ang mamimili, pipiliin ba ninyo ang isang hinog na prutas pero lamog?

Senator Grace Poe 
(Ang Manibalang)

Ang pangatlo ay ang MANIBALANG.  Bakit ko nasabing manibalang? Ito kasi ang pananaw ng mga kalaban ni Senator Grace Poe, sa Presidential race, “hindi pa raw siya hinog” compare sa kanila. Gusto nilang maging bise muna si Grace Poe para raw dito muna magpahinog. Isang palusot na hindi umubra. Sa paniniwala ni Senator Grace Poe, oo nga’t masasabing manibalang pa lang siya pero kung baga sa prutas, may bentahe siya sa mga mamimili. Sa maikling paninilbihan niya sa Senado, mapapansin natin na may angkin siyang talino. Nagpakita rin siya ng pagiging sensitibo sa mga isyung ang kapakanan ng mga taong bayan ang nadedehado. Sa kanyang 20 point program of government na ipinahayag nang magdeklara siya ng intensiyong tumakbo sa presidential race, halos karamihan dito tumbok sa mga isinisigaw at idinaraing ng mamamayang Filipino. Ang ilan dito ay ipinangalandakan din ni P-Noy noong tumakbo siya sa presidential race pero nang maupo ay kinalimutan at tinalikuran, particularly ang Freedom of Information Bill (FOI). Ngayon ay issue kay Senator Grace Poe ang kanyang citizenship para mapigil siya ng kanyang mga kalaban sa presidential race. Ito lang ang maaari nilang gawing sandata para madiskaril ito sa karera, pero umaasa ang inyong lingkod na hindi ito magiging sagwil para magkaroon tayo ng isang alternatibong iboboto para maluklok bilang pangulo. Kung baga sa prutas, si Senator Grace Poe ay manibalang, malutong at sariwa. Bakit pa tayo pipili ng isang bulok at lamog? Mga traditional politician na ang personal na interes ang iniisip at hindi ang bayan. 

Tama si Senator Grace Poe sa pagsasabing hindi maaaring monopolyahin ng isang tao o grupo ng isang partido pulitikal ang “tuwid na daan”. May sarili siyang daan na nakikita at natatanaw. Isang daan na maaaring makapag-ahon sa mga nadehadong sector sa panahon ng pamumuno ni P-Noy. Isang daan na maaaring makisakay ang lahat at walang maiiwan patungo sa pag-unlad. Sinasagisag niya ang bagong umaga at bagong pag-asa. 

No comments:

Post a Comment