Thursday, January 21, 2016

The Difference Between Justices and Legalist in our Supreme Court


Isa sa maraming isyu na pinagtutuunan ngayon ng pansin ng marami nating kababayan ay ang kasong disqualification cases na kinakaharap ng isa sa presedential contender na si Senator Grace Poe.  Ito ay kasalukuyang dinirinig pa sa Supreme Court kung saan nagtatagisan ng talino sa kanilang mga oral argument ang magkabilang kampo. Ang mga abugado ng petitioner at ng respondent. Bagamat tungkol sa batas at legalidad nito nakasandal ang mga abugado ng petitioner, isang Justice Marvic Leonen ang nagpahayag ng kanyang sariling pananaw at saloobin sa dalawang kataga, ang “justices” at “legalist”. Kung hihimayin natin ang argumentong ito mga kababayan ko at kabalat, merong punto si Justice Leonen. Ano nga ba ang kahulugan ng “just”, na pinaka-root word o salitang-ugat ng katagang “justice? ”Fair, impartial and unbiased ‘di po ba? Nangangahulugan lang na ganito sana ang dapat gawing pagtingin at pagtrato ng ating mga justices sa Supreme Court.

Kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas na nagkaroon ng isang batang “pulot” na nagngangalang Grace Poe at tumatakbo ngayon sa presidential election. Isang bata na basta na lang inabandona ng nagsilang sa kanya sa lugar kung saan siya napulot. Ito ay nangyari sa bayan na “sakop” ng Pilipinas.  Isang bata na “mukhang Pilipino”, “kutis Pilipino” at “lumaking Pilipino sa isip at pananalita”. Isang bata na bagamat naging kaawa-awa dahil inabandona ng tunay na magulang, pinalad namang maampon ng mag-asawang celebrity (FPJ and Susan Roces) kaya nabigyan ng angkop na pamumuhay at pagpapalaki. Nakapag-aral at nagkaroon ng sariling pamilya. Ngayon ay nakaharap siya sa nakapaligid na tinatawag nating justices sa Supreme Court. Mga justices  na nagsunog ng kilay sa pag-aaral ng batas, nag-practice nito sa mahabang taon, at ngayon nga ay natalagang  mag-repaso ng mga kasong inihahain sa kanila, mag-interpret ng batas at humatol. Ano mang desisyon ang gawin nila, ito ay magiging bahagi na ng batas sa ating bansa.

Pero may dalawang klase ng justices meron tayo sa ating Supreme Court. Una, iyong kung mag-interpret ng batas ay “istrikto” at  “letra por letra” dahil ito ang kanilang nakikita.  Ang pangalawa ay iyong justices na tumatagos ang pananaw sa “kaluluwa” ng ginawang batas at kanilang ini-interpreta.  Between  the  two, mas angkop tawaging justices ang mga members ng Supreme Court  na ang tingin ay hindi lang nakapako sa nakikitang letra at nababasa sa aklat, kung hindi iyong tumatagos din sa “espiritu” at  “diwa” ng katagang binubuo ng mga letra nilang nakikita. Sa dalawang klase ng justices na ito, ‘yung una ang tinatawag na masyadong legalistic.  Sa kanilang hanay posibleng makakuha ng kaalyado at magpagamit sa mga tiwaling pulitiko na naghahanap ng “butas” sa ating mga batas para makalusot sa kaso at mapaboran sila.  Sila rin ang madaling tuksuhin sa kinang ng salapi at gawing kalasag ang letra at butas ng batas sa sariling interes o kapakinabangan. On the other hand, sa ikalawang klase nabibilang ang mga mararangal na justices. May takot sila sa Diyos at hindi madaling ma-corrupt. Gusto nilang maging tunay na “just” sa kanilang gagawing pagpapasiya. “Kunsensiya” ang kanilang pinaiiral dahil sinasangkapan nila ng “kaluluwa” ang pagi-interpret sa letra ng batas para maging makatuwiran at makatotohanan, hindi lang sa paningin ng tao kung hindi maging sa pananaw din ng Diyos.

Ang totoo, hindi na kailangang maging henyo at matalino para makita o maunawaan na merong “tunay na nasa likod” ng mga disqualification cases ni Senator Grace Poe. Kailangan pa bang humanap ng ebidensiya ang mga justices natin sa Supreme Court para mapatotohanan ito?  Sa akala ba nila ay merong titindig, aamin at magsasabing “Oo, inutusan lang ako ni Tarpulano?”  Kaya nga sila na-appoint  sa kanilang trono sa SC, ay dahil sa taglay nilang talino, at pang-unawa hindi lang sa batas, kung hindi maging sa pagkilatis sa motibo ng mga naghain nito. Na, ito ay ‘di gawa ng ordinaryong botante na nagsasabing karapatan niyang maghain ng disqualification case kay Grace Poe dahil ayaw niya o baka raw tayo magkaroon ng presidenteng Amerikano  o hindi natural born. Ito’y may political color at plain and simple harassment sa kumakandidatong senadora. Kung baga sa boksing, gusto nilang i-teknikal ang isang malakas na contender para sila ang maka-ungos kahit hindi bumibitaw kahit isang suntok,

Sa mismong mga talata ng Bibliya ay meron ring literal at letra por letrang nakatala pero depende rin sa interpretasyon nito. May tinatawag ding “spiritual” ang application sa maraming kataga na nakasaad dito. Ganito rin sana ang gawin ng mga “just” nating Justices sa kanilang pagde-desisyon sa isang particular na kaso.  Ang pag-disqualify kay Grace Poe sa presidential race ay maituturing na “pag-pugot” na rin sa ulo na ang katumbas ay kamatayan sa kanyang ambisyong maging pangulo ng bansa. Hahayaan ba ng ating mga justices ang ganito? Na matala sa kasaysayan ng Pilipinas na minsan sa ating panahon ay magkaroon ng isang “injustice” sa isang batang pulot na inalisan ng karapatang magkaroon ng sariling bansa.  Injustice na susundin at i-aaply pa rin sa libo-libong inabandonang bata sa ating bansa. Injustice na bibigo sa kanilang mga pangarap na magkaroon ng tsansang maging presidente at pamahalaan ang minamahal nating bansang Pilipinas sa hinaharap? Nilikha tayo ng Diyos na pantay-pantay sa kanyang paningin, may nakagisnan man tayong magulang o wala. Minsan ay sinabi rin ng isa sa pinakamahusay na naging lider natin na si President Ramon Magsaysay na “those who have less in life, shall have more in law”. Ang mga batang pulot ba sa paningin ng ating batas ay hindi maituturing na less in life para hindi mabigyan ng kaukulang hustisya at karagdagang pang-unawa sa kanilang mga karapatan sa ating batas?

Just give Senator Grace Poe a chance to run. Let the “jury” (the voice of the Filipino voters) decide.


No comments:

Post a Comment