Wednesday, May 11, 2016

Rodrigo R. Duterte: A New Philippine President to Watch

Newly Elected President 
Rodrigo R. Duterte

Tapos na ang eleksiyon. Gaya ng nakita ko sa aking pangitain noon, natalo nga sa kanyang kandidatura si VP Jojemar Binay na nagpaluwag sa aking kalooban.  Nagdesisyon na ang mas nakararami nating mga kababayan.  Iginuhit ng tadhana na isang Mayor Rodrigo Duterte ang susunod nating presidente. Isa sa magandang development na nangyari sa eleksiyon, 2016 ay ang mabilis na paglabas ng resulta ng bilangan. Ilang oras pa lang pagkatapos nito, nag-concede na si Senator Grace Poe. Naghayag na rin ng pakikiisa at paggalang sa naging hatol ng taong bayan ang mga nakalabang presidential contender ni Mayor duterte. Indikasyong humupa na ang matinding emosyon na naging bunga nang nakalipas na halalan, 2016. Ang lahat ay nakatanaw ngayon sa bagong umaga na ihahatid sa atin ng bagong liderato. Marami ang umaasa ng pagbabago kay Digong Duterte. Pagbabagong inaasam ng nakararaming taong bayan. Ganoon man, gaya ng nasabi ko, hanggang hindi pa natin nakikita at nasusubok ang magiging performance niya, hindi pa natin ganap na masasabi na may pagbabago na nga. Wait and see muna tayong lahat, gaya ng ginawa natin noon nang maging Presidente si Noynoy Aquino.

Kung naaalala ninyo mga kababayan at kabalat ko, ilang Linggo pa lang na nasa pamumuno si President  Benigno Simeon Aquino III, nalantad na sa atin kung anong klaseng lider siya. Hindi niya sineryoso ang isang Luneta hostage crisis  na nagbunga ng trahedya at kahihiyan sa ating bansa sa paningin ng buong mundo. Nang masangkot sa huweteng payola ang isa niyang cabinet secretary, sa halip na sipain, inalo at ipinagtanggol pa niya iyo at pinanatili sa puwesto ng “wan to sawa”. Dito pa lang ay nasalamin ko na agad kung anong klaseng lider si P-Noy. Bagamat bumenta sa taong bayan ang mga imbentong salita at slogan ng kanyang speech writer na “kayo ang boss ko”, “walang wang-wang”, “tuwid na daan” etc, sa kanyang mga SONA, kabaligtaran nito ang nakita at naranasan ng sambayanang Filipino.  Pampaganda lang pala ang mga slogang ito sa pandinig, dahil taliwas sa tunay na nakikita at nararamdaman ng taong bayan ang nagaganap.  Ang pagiging manhid, kapalpakan, kabagalan, kalamyaan, katangahan, katigasan ng ulo  at kawalan ng foresight ni P-Noy ang naging dahilan kaya ko siya itinuring na “incompetent  leader”. Lideratong pinanatili at pinangatawanan niya sa loob ng mag-aanim na taon sa puwesto.

Sa darating na mga unang Linggo, buwan at taon ni President Rodrigo Duterte ay posible ring maganap ang mga naranasan ni P-Noy. Mga pangyayaring susubok at hahamon sa kanyang kakayahan bilang  lider. Sa kanyang mga magiging “response, decision and action” natin siya hahatulan.  Kung totoo ang sinabi noon ni President Duterte na gagamitin niya ang “common sense” sa kanyang pamamahala, it’s a good indication na meron ngang pagbabagong mangyayari. Kapag sinabi kasing common sense, ito ang ginagamit ng isang ordinary at average person sa kanyang pagtaya sa mga sitwasyong kinakaharap.  Katulad ng Luneta hostage crisis. Common sense dictates na buhay ng mga Chinese nationals ang nakataya dito. Hindi ito dapat binalewala ni P-Noy at ipinaubaya lang sa mga pulis at local officials. Nang masangkot sa Huweteng payola si Secretary Puno, si P-Noy mismo ang nagdepensa sa kanya at umalo. Common sense dictates na kapag may isang tauhang sangkot sa isang controversy o anomaly na sisira sa imahe ng administrayon, it’s either, imbestigahan ito agad at kung may matibay na patunay na nagkasala ang tauhan, sipain ito para hindi na pamarisan. Hindi natin kailangan ang lider na “kulang” sa common sense o ‘yung “sobra” para gumawa ng katiwalian at katusuan. Bilang isang tao na may malayang isip, kuntento na ako sa “average” pero marunong kumilatis at kumilala ng tama at mali.

Kilala si President Duterte sa kanyang prinsipyo at matapang na pananalita. Emotionally ay madali siyang naaapektuhan kaya nagagalit at nakapagmumura. Lahat tayo ay merong ganitong emosyon lalo pa’t may biktimang pinaslang o naapi dahil sa droga. Meron din siyang malasakit sa mga constituents, particularly sa mga MRT passengers na di lang nahihirapan sa pagsakay, pumipila rin ito ng napakahaba. Di nga ba’t nasabi niya noon na sisipain (kicking physically) daw si Secretary Abaya kung siya ang Presidente dahil sa kapalpakan nito bilang DOTC secretary. Malalaman natin kung totohanin ni President Duterte ito o bukang-bibig lang niya kapag siya na ang nakaupo sa puwesto.  Hindi naman natin hangad ang pisikal na pagsipa. Yung sipain lang niya sa puwesto ang isang incompetent na tauhan ay sapat na.

Nasabi ko na at paulit-ulit ko itong sasabihin. Ang paghahalal ng isang lider ay isang “sugal”. Para tayong nakikipagsapalaran sa isang “tsuper” na inilagay  natin sa manibela ng bus na tayo ang mga pasahero . Habang pinatatakbo ang sasakyan, ang tsuper natin ang nakakaalam sa mga diskarteng gagawin niya habang naglalakbay. Kung siya ay dadaan sa patag, malubak, diretso o zigzag na daan. Sa pagtahak sa kanyang mga daraanan na kasama tayo, hindi maiiwasang dumating ang mga pagsubok, trahedya, tukso, at iba pang mabibigat na hadlang na susukat sa kanyang talino, tapang, malasakit, at pagmamahal sa bayan. Umasa tayo at manalangin sa Diyos na maging “focus” ang tsuper nating napili sa kanyang pagmamaneho.

Bilang isang taong may malayang isip at hindi panatiko sa sinuman, isa ako sa magbabantay at mag-oobserba sa panunungkulan ng isang President Rodrigo Roa Duterte. Gaya rin ng ginawa ko sa panahon ng pamumuno ni President Noynoy Aquino, ang aking blog ang aking  “outlet” para masabi ko ang aking sariling komentaryo at pananaw na may kalakip na panalangin. Dito ay magagawa kong himayin ang mga isyung lilitaw o malalantad sa panahon ng kanyang pamumuno. Sa mga binabalak niyang gawin at ginagawa bilang lider. Magagawa ko ring pumuna at magkomentaryo sa kanyang magiging kamalian, kamanhiran, kapalpakan, katiwalian, kasinungalingan, kawalan ng kakayahan, katangahan at kapalaluan.  Ang “pilantik ng panitik” ni Malayang Isip ay magbabantay dahil bilang isang ordinaryong mamamayan, botante at nagbabayad ng buwis, meron akong pakialam.


No comments:

Post a Comment