Thursday, May 5, 2016

Simpleng Panalangin ng Isang Ordinaryong Botante, para sa Presidential Eleksiyon, 2016

Sa kasaysayan ng pulitika sa ating bansa, ang presidential election 2016 marahil ang isa sa pinaka-mainit na halalang magaganap. Hindi lang nataon na El Nino ngayon, nagsilbing “battleground” din ng mga netizen sa kanilang “word war” ang social media. Dito ay umulan ng mga batikusan, murahan, pambu-bully, pagbabanta, panlalait at iba’t iba pang masasama at “below the belt” na  lengguwahe na nagmumula sa mga supporters ng iba’t ibang kandidato. Ang mga dating magkakasama, magkakakilala at magkakaibigan ay di naiwasang magkaroon ng iringan at patutsadaan sa pagpapalitan ng  pananaw o opinyon tungkol sa kani-kanilang mga minamanok na presidential contender. Isa ito sa senyales na totoong “kumukulo” na parang bulkan ang presidential election, 2016. Ganito man ang nangyayari, at the end of the day, pipili tayo ng isang tao na magiging lider ng ating bansa. Isang tao na ating susugalan ang pagkatao, kakayahan at higit sa lahat ang kanyang “katapatan”. Alam din nating lahat na sa isang sugal (game of chance), walang kasiguruhan kung tayo ay mananalo o matatalo. Gaano man natin kakilala at ka-idolo ang isang kandidato, hindi natin alam ang nilalaman ng kanyang puso at kunsensiya. Mababatid lang natin ito kapag siya ay nakaupo na sa puwesto at gumagawa na ng kanyang trabaho.

May mga radyo at TV station na nangangampanya at nagsasabi na “dapat tama” ang taong ating iboboto, meron namang nagsasabi na “para sa pamilyang Pilipino” ang ating iluklok sa pagka-pangulo. Ang tanong, sino ba sa atin ang makatitiyak kung tama nga bang kandidato ang ating ibinoto o ito ba ang kandidatong para sa pamilyang Pilipino? Wala po, maliban sa ating mga “kunsensiya” na ating kasama habang isinusulat sa balota ang mga pangalan ng ating iboboto. We then leave the rest to GOD. Ang Diyos lang ang nakakaalam kung sino ang itinadhana niyang magiging pangulo natin sa susunod na anim na taon. Ganoon man naniniwala ako sa power of prayer. Ito ang tanging daan o pinto para lumapit sa KANYA at magsumamo na pagkalooban tayo ng isang lider na tunay na makapagbibigay sa atin ng inaasam nating pagbabago. Samahan po natin ng panalangin ang gagawin nating pagboto sa Mayo 9.

Manalangin Po Tayo


Panginoon po naming Diyos, alam namin na nakatunghay ka sa nalalapit at magaganap na halalalan sa aming bansa. Alam din po namin na IKAW lang ang tanging makatutulong para pagkalooban kami ng karapat-dapat na lider sa susunod na anim na taon. Katulad ng isang “sugal”, kami pong lahat na mga registered voters ay tataya at makikipagsapalaran sa isang tao na iluluklok namin para maging pangulo ng aming bansa. Ganoon man, hindi po kami nakatitiyak sa magiging katapatan ng ihahalal naming lider kapag nakaupo na sa puwesto. Dahil dito, Ikaw na po sana ang bahalang gumabay at humaplos sa puso ng ilalagay mong presidente namin para matupad at panindigan nito ang pangakong pagbabago na aming matagal ng inaasam. Kahabagan mo po sana kami O, Diyos na makapangyarihan sa lahat. Matagal na rin po ang ipinagtiis ng iyong mga tapat na lingkod sa mga tiwali at incompetent na nag-lider sa aming bansa. Mga lider na sa halip pagsilbihan ng tapat ang bayan at mamamayan na sinasabi nilang “boss”, ang sariling kapakanan at interes ng mga kaalyado nila ang inuna.

Nagsusumamo at naninikluhod po kami sa IYO, o Diyos, na pagkalooban mo sana kami ng isang lider na “magpapakita ng katapatan, pang-unawa at malasakit sa bayan at mamamayan. Isang lider na “hindi manhid” sa karaingan ng mga mamamayang naghihirap at nangangailangan. Isang lider na “hindi maninisi” sa mga naging pagkukulang ng mga naunang presidente para gagawing "alibi" sa kanyang mga magiging kapalpakan. Isang lider na “hindi gagawing busabos ang mga naghihirap na manggagawa” para sa “kapritso” ng mga gahaman at higanteng korporasyon na naghahangad ng sobra-sobrang tubo (corporate greed). Isang lider na “matapang”, may “political will”, at handang gumamit ng “kamay na bakal” sa mga drug lord, pusakal na kriminal, tiwali at corrupt na mga government official na nagsisilbing salot sa lipunan at pamahalaan. Isang lider na “decisive” at handang pangatawanan ang pagiging Commander-in- Chief sa aming mga kasundaluhan at kapulisan, at hindi rin isasakripisyo ang buhay ng kanyang mga tauhan sa kamay ng mga terorista at rebelde para sa sariling agenda. Isang lider na “handang makinig” sa sigaw ng bayan at hindi sa “bulong” ng kanyang mga alagad, tauhan, kamag-anak, kaibigan, at ka-klase. Isang lider na “hindi manunuhol” sa mga prostitute lawmakers gamit ang salapi sa kaban ng bayan. Isang lider na “may puso” at “malasakit” sa naghihirap at inaapi pero may “pusong Leon” at “handang magparusa” sa mga mapang-api. Isang lider na “may vision” at perspektibang tinatanaw sa kung ano ang kanyang binabalak, gagawin, at magagawa para mapaunlad ang mga kabulukan at kapalpakang ginawa ng nakaraang administrasyon sa serbisyo publiko. Hindi ko na po iisa-isahin ang lahat ng mga naging kasalanan, pagkukulang, pagkakamali, kapalpakan at kapabayaan ng mga nauna naming presidente. Ang lahat ay nangyari na at hindi na maibabalik, maliban sa “aral o leksiyon” na iniwan nito para maituwid at maitama sa hinaharap ng ibibigay mong bagong lider sa amin. Kung marami o kulang po ang mga nabanggit naming ipinaninikluhod sa IYO, o, Diyos para sa magiging future leader namin sa hinaharap, isa lang po sana ang huwag mong kalilimutang itanim sa kanyang puso, ang “takot sa IYO”. (Mababasa mula sa talata ng Banal na Aklat na ang takot sa Diyos ang pasimula ng karunungan)

Umaasa po kami at sumasampalataya o, Diyos naming makapangyarihan sa lahat na sinuman ang itinakda mong maging presidente namin, kakasangkapanin mo po siya at gagabayan para maging daan namin sa isang “tunay na pagbabago” at paglakad, patungo sa “tunay at tuwid na landas” na aming kinauuhawan. Hinihiling po namin ito sa IYO, o Diyos sa pangalan ng aming dakilang tagapagligtas na si Hesukristo.

Amen



No comments:

Post a Comment