Sunday, May 21, 2017

Department of Agriculture: Playground of Corrupt Government Officials Noon… at Ngayon?


Habang patuloy ang Duterte administration sa kanyang war on drugs at marami na ring mga lumalaklak at nangangalakal ng droga ang mga napatay at sumuko, tila sa sector naman kung saan ito ang pinaka-malapit sa “sikmura ng tao” ang napabayaan. Ang “bigas”. Sa mga nakalipas na araw, parang saranggola na umaalagwa ang presyo ng mga basic commodities sa ating merkado particularly ang mga agricultural products. Dito sa anggulo na ito dismayado ang marami nating naghihirap na mamamayan. Bakit? Ano ang nangyayari? Of course, may mga naririnig na rason at nagmumula sa bibig mismo ng mga mamumuno sa mga ahensiyang nangangasiwa dito. Pero alam po ba ninyo mga kabalat at kababayan ko? Bigla akong kinabahan dahil ‘yung mga “palusot” po nila kaya raw nagmamahal ang presyo ay “katulad na katulad” ng mga sinasabi ng alipores ng pinaka-corrupt na cabinet secretary noon ni President Noynoy Aquino, na si Proseso Alcala. Sa NFA, narinig ko na naman ang “lean months” na idinadahilan kaya raw umakyat ng tila kidlat ang presyo ng bigas. Ang Bureau of Animal Industry naman ay ang diarrhea naman ang sinisisi at naka-epekto raw sa 80 to 90 % ng mga baboy kaya sumipa sa 40 pesos ang taas ng presyo nito.


Ang pinaka-nagulat ako, ito pong presyo ng “bawang” na naging controversial at ugat ng kaliwat kanang katiwalian noong panahon ni Alcala ay tila nauulit na naman. Umakyat na naman daw po ang presyo nito sa mahigit 200 pesos per kilo and still continue to go up. Tila gagawin na naman po nilang ka-presyo ng bawang ang "ginto" para tumubong lugaw muli ang mga negosyante nito.  What happen?  Akala ko po ay takot at nabahag na ang buntot ng mga impakto sa Department of Agriculture? Ala, e, tila  naglisaw na naman po sila at ang sikmura ng naghihirap na mamamayang Filipino ang pinupuntirya. Ang presyo po ng pagkain ang lagi nilang tinatarget dahil alam nilang hindi mabubuhay ang tao kung hindi kakain. E. paano kung wala nang maibili at kung meron man, halos hindi na ito magkasya sa isang naghihirap na pamilya at wala pang hanap-buhay? Di gagawa na nga po ng masama, sukdulang magtulak ng “shabu” dahil kapit nga sa patalim. 

Mataas ang tingin ko at respeto sa Duterte administration at alam ko na “sensitibo” ang ating pangulo sa mahihirap nating kababayan. Katunayan ipinaubaya pa nga po niya sa ilang Kadamay members ang ilang bahay na ipinatayo ng NHA na nakatiwangwang. Ang problema, may bahay nga pero wala namang mailaman sa sikmura dahil sa patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, particularly ang bigas na nagsisilbing “butil ng buhay” nating mga Filipino. Dito naman sana ituon ng Duterte administration ang kanyang pansin at hindi lang sa mga lumalaklak ng shabu. Kapag  ang pagkain ang hindi na kayang ma-afford ng tao, darami pa ang maghihirap at magugutom. Mga gutom na magpipilitang magnakaw, mag-tulak ng shabu at gumawa ng iba pang krimen. Ano ang posibleng kahinatnan nito? Kahit pa isulong ang tinatawag nilang Dutertenomics, kung hindi naman malalamnan ang sikmura ng tao dahil sa sobrang pagtaas ng pagkain, magiging failure ang lahat. Ano ang solusyon at dapat maging primary concern ng gobyerno? Tutukan ang presyo ng pagkain. I-maintain ang halaga nito sa level na kaya pang mabili ng ordinaryong tao at huwag hayaan sumirit pataas dahil sa manipulasyong ginagawa ng mga gahaman at sakim na negosyante sa pakikipagsabwatan ng mga corrupt government officials. Kung meron mang isinusulong na war on drugs na tinutumbok ang mga drug lords and pushers ang ating gobyerno, dapat din sanang magkaroon ng war against corrupt and unscrupulous businessman and government official  na nagkukutsabaan para patuloy na mapataas ang presyo ng pagkain. (DTI, DA, NFA).

Ako, ikaw, tayo mga kabalat at kababayan ko ay dapat magmamasid at patuloy na tumbukin ang mga isyung may kinalaman sa sikmura ng ordinaryong tao. Naging “playground” po ito ng mga corrupt government officials and unscrupulous capitalist and businessman noong Aquino Administration, dahil dito sila tumatabo ng salapi at the expense of the poor Filipino people. Bilib naman at may tiwala ako kay DA Secretary Manny Pinol. Sana ang bakas at aninong may sungay ni Alcala noon ay kanyang maputol at huwag niyang hayaang muli na umusbong.

No comments:

Post a Comment