Wednesday, May 3, 2017

The Mercenaries and Prostitutes of King Midas in Philippine Congress


DENR Secretary Gina Lopez

Nang maluklok si President Rodrigo Duterte at mangako ng pagbabago, isa ako sa natuwa at nakakita ng pag-asa nang italaga niya si Secretary Gina Lopez sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Kung baga sa isang mandirigma, siya ang magsisilbing “Joan of Arc” sa naturang ahensiya laban sa mga higanteng nagmamay-ari ng malalaking minahan sa ating bansa. Siya rin sana ang inaasahan ko na magsisilbing “Maria Makiling” na mangangalaga sa ating kalupaan, kabundukan, katubigan at kapaligiran. Sa mga unang araw, Linggo at buwan niya sa ahensiya, kinakitaan ko si Secretaary Gina Lopez ng sobrang concern sa mga nawasak nating lupain na pinagkamalan ng salapi ng mga nagmamay-ari ng mga minahan sa ating bansa. Labis din akong “nahambal” sa mga nakita kong video na sumasalamin sa “panggagahasa” at “walang pakundangang pagwasak” ng mga minahan sa ating kalupaan, katubigan at kapaligiran. Pero tila hindi man lang naantig at natigatig ang mga Hudas at Barabas na alipores ng mayayamang nagminina sa ating kongreso. Tila walang halaga sa kanila ang mga kapinsalaang ito sukdulang magdusa ang komyunidad na nasasakop ng mga pagmimina.

Gaya ng aking inaasahan, nanaig ang mga King Midas na minero at “kinang ng kanilang ginto”. Malinaw pa sa sikat ng araw na ito ang naging dahilan kaya hindi nakumpirma sa ikalawang pagkakataon ng Comission on Appointments si DENR Secretary Gina Lopez. Kung baga sa “bakod”, mula sa mismong Palasyo ng Malakanyang kung saan kahalubilo ng DENR Secretary ang mga Hudas at Barabas na kapwa niya cabinet secretary, marami ring alipores na Hudas at Barabas ang mga nagmamay-ari ng minahan sa ating kongreso. Kabilang dito sina Senator Alan Peter Cayetano na mahilig mag-quote ng Bible verse pero Hudas din pala, at ang walang kadeli-delikadesang Congressman na si Ronald Zamora na  protector ng isa sa King Midas na “utol” niya. Dahil dito, kahit kakampi ni DENR Secretary Gina Lopez si President Duterte at nagtitiwala ito sa kanyang kakayahan at advocacy, naging “tinik” sa kanyang lalamunan ang mga Hudas at Barabas na ito. 

Habang nagbubunyi ngayon ang mga gahamang nagmamay-ari ng minahan, kasama nilang tumatagay sa mga kopitang ginto ang mga taksil at alagad nilang mambabatas sa Commission on Appointments. Malulutong ang kanilang halakhak dahil mas nakita nila at pinahalaganan ang literal na batas na hinanap nila at ginawang sandata para puksain ang maituturing na Joan of Arc at Maria Makiling na ang ipinaglalaban ay ang “espiritu” ng batas para proteksiyunan ang ating inang kalikasan. 

Wala na bang makapipigil sa mga mayayamang tao at pamilya na sobrang gahaman sa salapi na pagmimina ang kinakalakal? Wala na bang makapipigil sa kanila sa pagsira at pagwasak sa ating mga kagubatan, kabundukan at katubigan? Wala na bang tapat na magmamalasakit sa ating inang kalikasan at pangangalagaan ito para sa mga susunod pa nating henerasyon? Hanggang kailan mananaig ang lakas at kinang ng ginto nila para silawin ang mga mercenaries at prostitutes lawmakers sa ating kongreso? Hanggang kailan ang ipagtitiis at ipagsasakripisyo ng mga taong bayan sa mga lugar na ginahasa ng mga King Midas? Hanggang kailan nila paiiyakin, wawasakin at gagahasain ang inang kalikasan sa ating bansa?

Ito po ang ipagdarasal  natin mga kabalat at kababayan ko.


Manalangin Po Tayo

Panginoon po naming Diyos, muli po kaming lumalapit at nagsusumamo sa iyo. Ikaw po ang higit na nakaaalam kung paano winawasak at sinisira ng mga gahaman at tusong nagmimina sa aming bayan ang inang kalikasan. Deka-dekada na po ang kanilang itinagal at hanggang ngayon, sa kabila ng napakaraming salapi nilang hinakot at kinamal, patuloy pa rin po ang masidhi nilang layunin  na ipagpatuloy ito. Nang dumaing kami sa IYO na pagod na kami sa mga inutil at corrupt na nagiging lider namin sa mga nakalipas na panahon, tinugon mo po ito. Ibinigay mo ang isang matapang at may political will na lider sa katauhan ni President Rodrigo Duterte. Nagpapasalamat po kami sa IYO dahil sa maikling panahon niyang pamumuno, nakakita kami ng malaking pagbabago. Subalit hindi po dito natatapos ang lahat. Meron pa rin pong mga balakid at nagpapatuloy sila sa pamamayani at pananaig. Kabilang po dito ang mga mayayamang gahaman at mga tusong nagmimina sa aming bansa. Sa kabila ng nagdudumilat na katotohanang winawasak nila ang bawat lugar na kanilang pinagmiminahan para magkamal ng salapi, may mga mercenaries at prostitutes lawmakers po sila sa Philippine Congress na gumagawa ng paraan para sila magtagumpay. 

Nawa, IKAW na po ang gumalaw at kumilos o, Diyos naming makapangyarihan sa lahat. Ibagsak mo sa mga Hudas at Barabas na alipores ng mga naghaharing King Midas sa aming bansa, ang tabak ni Damokles at iyong hatulan sa kanilang mga kasalanang ginawa. Sila na dilat ang mga mata at nakikipagsabwatan sa mga may ari ng minahang sumisira sa inang kalikasan pero bulag sa mga kapinsalaang idinudulot nito.

Umaasa kami Panginoon naming Diyos na bibigyan mo ng hustisya ang isinasamo namin sa IYO. Na kung nagawa mang harangin ng mga Hudas at Barabas sa kongreso ang isang itinalagang mandirigma at inaasahan naming tagapagtanggol ng inang kalikasan, isa pang matapang, makatao, maka-Diyos at maka-kalikasang kabalyero ang iyong isusugo para putulan ng sungay ang mga kampon ng Diyablo na ang pinagkakamalan ng salapi ay ang pagwasak sa inang kalikasan.

Hinihiling po namin ito sa IYO, o Diyos naming makapangyarihan sa lahat, sa pangalan ng iyong anak at aming tagapagligtas na si Hesukristo.

Amen

No comments:

Post a Comment